BATANGAS, Philippines — Nagtala ang Taal Volcano ng 22 volcanic earthquakes sa nakalipas na 24 oras, mas mataas sa 17 na naitala noong nakaraang araw, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) nitong Sabado, Oktubre 17.
Batay sa datos ng Phivolcs, mula Oktubre 9 hanggang 17 ay nakapagtala ang bulkan ng 139 volcanic earthquakes at 11 yugto ng volcanic tremors.
Iniulat din ng ahensiya na nagkaroon ng limang minutong phreatomagmatic eruption ang Taal noong Oktubre 8.
Ipinaliwanag ng Phivolcs na ang volcanic earthquakes ay dulot ng mga prosesong may kaugnayan sa magma sa ilalim o malapit sa aktibong bulkan. Samantala, ang volcanic tremors ay tuloy-tuloy na mababang-frequency na pagyanig na karaniwang iniuugnay sa paggalaw ng magma o volcanic gases sa ilalim ng bulkan.
Tumaas din ang naitalang sulfur dioxide (SO₂) emission rate sa 407 metriko tonelada mula sa 223 metriko tonelada sa nakaraang bulletin.
Wala namang naobserbahang pag-angat ng maiinit na volcanic fluids sa pangunahing crater lake ng Taal Volcano Island, na nasa gitna ng Taal Lake. Wala ring natukoy na volcanic smog o “vog” sa panahon ng pagmamanman.
Nananatili ang Taal Volcano sa Alert Level 1, na nangangahulugan ng mababang antas ng volcanic unrest. Gayunman, nagbabala ang Phivolcs na hindi ito nangangahulugang bumalik na sa normal ang bulkan.
Nananatili itong nasa abnormal na kondisyon at posible pa rin ang biglaang phreatic eruption o iba pang aktibidad ng bulkan. RNT/MDS