Home NATIONWIDE Pagbawi sa 3 articles of impeachment ‘legal strategy’

Pagbawi sa 3 articles of impeachment ‘legal strategy’

3
0

Manila, Philippines – Inunahan lamang ng prosekusyon ang kampo ng defense panel sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte sa posibilidad na pahabain nito ang presentasyon hanggang 2027.

Sinabi ni House prosecutor Manila Rep. Joel Chua na isang “legal strategy” ng Prosecution Panel ang ginawang pag-withdraw sa tatlong inihaing Articles of Impeachment at minarapat na maiwan na lamang ang Article II o ang ukol sa hindi maipaliwanag na yaman ng bise presidente.

“Parte ’yun talaga ng legal strategy… kasi po ‘pag nagkakaroon po kami ng meeting, parte rin po dito ’yung babasahin mo kung ano magiging diskarte ng defense. So paano, how will you counter that?” paliwanag ni Chua sa ginanap na Saturday News Forum sa Quezon City.

Ayon sa kongresista may hinala ang prosekusyon na nais ng depensa na palawigin ang presentasyon ng mga ebidensya at testimonya hanggang sa susunod na taon na posible aniyang maging dahilan upang tuluyan ng mawalan ng interest ang publiko at makalimutan na ang mga naiharap na saksi.

“Ang totoo po niyan, inaasahan po namin na patatagalin po nila ‘yung article. Nabasa na po namin ‘yung kanilang magiging strategy.”

Nauna rito ay tinanggap ng Senate impeachment court ang ginawang pagbawi ng prosekusyon sa tatlong Articles of Impeachment kabilang ang Article I na nauukol sa maling paggamit sa confidential funds, Article III na nauukol naman sa bribery at ang Article IV na nauukol sa grave threats.

Ang Article III o ang Bribery ay hindi pa naipi-presenta ng prosekusyon samantalang ang Article I at Article IV ay naipresenta na nito ang mga ebidensya at testimonya.

Giit pa ng mambabatas na noong una ay ang Bribery lamang ang iuurong ngunit dahil sa kakapusan ng panahon ay nagdesisyon ang prosekusyon na bawiin na rin at huwag ng maisama sa pagbobotohan ang Article I at Article IV at sa ngayon ay tanging Article II na lamang o ang ill-gotten wealth ang natitira.

Binatikos din ng mga abogado ni VP Sara ang naging desisyon ng prosekusyon dahil sa kawalan ng oportunidad na masagot ng depensa ang mga argumento at kontra ebidensya laban sa dalawang Articles of impeachment na binawi.

Magkagayunman, binigyang diin pa ni Chua na noon pa aniyang 2024 sa panahon ng pagdinig sa Kamara ay nabigyan na ng pagkakataon ang pangalawang pangulo na makapagpaliwanag.

“As early as 2024, noong ito po ay dinudulog sa Committee on Good Government, doon pa lang po binigyan na sila ng pagkakataon para sagutin ang lahat ng mga allegations sa kanila. We hope na kung isa na lang po ’yung article na pag-uusapan, sana po by end of November or at least at the latest first week of December, sana po makapagdesisyon na po,” ani Chua.

Ang impeachment trial ay babalik sa November  9 kung saan ang kampo na ni VP Sara ang isasalang sa presentasyon ng ebidensya at testigo. (Meliza Maluntag)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here