Home NATIONWIDE Chinese embassy umalma sa panawagang persona non grata kay Jing Quan

Chinese embassy umalma sa panawagang persona non grata kay Jing Quan

5
0

MANILA, Philippines — Nagbabala ang Chinese Embassy sa Maynila na hindi nito tatanggapin sa China ang mga opisyal ng Pilipinas sakaling ideklarang persona non grata (PNG) si Chinese Ambassador Jing Quan, kasunod ng kontrobersiya sa kanyang mga pahayag tungkol sa posibleng paggamit ng puwersa.

Sa pahayag nitong Linggo, Oktubre 18, iginiit ng embahada ang prinsipyo ng diplomatic reciprocity bilang tugon sa panawagan ng ilang mambabatas na ideklarang persona non grata si Jing.

“While diplomacy is based on reciprocity, we will not welcome them to China,” pahayag ng embahada. “Simple and fair enough,” dagdag nito.

Hinamon din ng embahada ang mga mambabatas na isulong agad ang kanilang panukala, at sinabing paulit-ulit na itong nababanggit sa nakalipas na tatlong dekada.

“We are fed up with these old and low tricks. If they really want to do something, do it quickly and immediately, please,” ayon sa embahada.

Inakusahan din nito ang ilang Pilipinong politiko na sinasadyang baluktutin ang paninindigan ng Beijing sa ugnayang China-Pilipinas para sa pansariling pampulitikang pakinabang.

“Anti-China politicians deliberately ignore China’s clear and consistent position on China-Philippines relations, instead twisting its words out of context and maliciously distorting the facts for political gain,” pahayag nito.

Tinawag din ng embahada na “utterly disgraceful” ang umano’y maling paglalarawan sa mga pahayag ng China.

Nagsimula ang sigalot matapos sabihin ni Jing na madaling magwagi ang China sa isang komprontasyon kung pipiliin nitong gumamit ng puwersa, bagama’t iginiit niyang mas nais ng Beijing ang kapayapaan.

Binigkas niya ito bilang tugon sa paglalarawan ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. sa China bilang “troublemaker” sa rehiyon.

Pinuna ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pahayag at sinabing tila banta ito at hindi diplomatiko. Sinabi rin niyang nais niyang linawin kay Jing ang ibig sabihin ng kanyang mga sinabi.

Kinondena rin ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang “poor choice of words” ng embahador at sinabing tila naglalaman ito ng “thinly veiled threat of the use of force.”

Hinimok ng DFA ang mga diplomatong nakatalaga sa Pilipinas na maging maingat sa kanilang mga pampublikong pahayag upang hindi lalo pang masira ang tiwala at diyalogo sa pagitan ng dalawang bansa.

Samantala, itinanggi ng Chinese Embassy ang mga puna at iginiit na inalis sa konteksto ang mga pahayag ni Jing. Hinimok din nito ang DFA na kumilos nang responsable upang hindi lumala ang sigalot sa bilateral na relasyon.

Sa ilalim ng Vienna Convention on Diplomatic Relations, maaaring ideklarang persona non grata ng isang bansa ang dayuhang diplomat nang hindi kailangang ipaliwanag ang desisyon. Kailangang ipa-recall ng bansang pinagmulan ang diplomat o tapusin ang kanyang tungkulin sa bansang pinagdalhan. Kung hindi ito gagawin, maaaring hindi na siya kilalanin bilang miyembro ng diplomatikong misyon. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here