Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo, napakahalaga para sa mga Senior
Citizens at PWDs na masulit ang bawat porsiyento ng diskuwentong ipinagkakaloob ng batas. Kaya
naman, lumikha ng malawak na talakayan ang pinal na desisyon ng Supreme Court (SC) na naglilinaw sa
tamang pagpapatupad ng 20 percent Senior Citizen discount sa ilalim ng Republic Act No. 7432 at RA
9994.
Ayon sa Kataas-taasang Hukuman, hindi maaaring ipatong o pagsabayin ang statutory 20 percent Senior
Citizen discount sa iba pang mga promotional discount o pampromosyong presyo na iniaalok ng mga
pribadong establisimyento. Nilinaw ng SC na kapag ang isang produkto o serbisyo, tulad ng kwarto sa
hotel o pagkain sa restawran ay nakatagda sa presyong may promo, may karapatan ang senior citizen na
pumili kung alin sa dalawa ang gagamitin: ang promotional rate o ang 20 percent discount. Ang
alituntunin ay simple, pumili kung alin ang magbibigay ng mas malaking matitipid.
Ang desisyong ito ay nagmula sa kasong isinampa laban sa general manager ng isang hotel sa Bacolod
City na tumangging magbigay ng karagdagang 20 percent discount sa dalawang senior citizen na
nakakuha na ng discounted room rate sa pamamagitan ng kanilang club membership. Bagama't
pinalagan ng mga mababang hukuman tulad ng Municipal Trial Court, Regional Trial Court, at Court of
Appeals ang opisyal, binaligtad ng Korte Suprema ang mga naunang hatol at pinawalang-sala ang hotel
executive.
Binigyang-diin ng Hukuman na bagama't layunin ng batas na protektahan ang kapakanan ng ating mga
nakatatanda, mahalaga rin na maging patas sa mga negosyong nagbibigay ng serbisyo. Ang
pagpapataw ng karagdagang diskuwento sa presyong may bawas na ay maaaring magdulot ng hindi
makatuwirang pasanin sa mga pribadong establisimyento na pwedeng maging sanhi ng pagkalugi ng
kanilang operasyon.
Mahalagang maunawaan ng publiko na hindi inalis ng Supreme Court ang 20 percent discount ng ating
mga seniors. Ang ibinaba lamang ng Hukuman ay ang tinatawag na "no double-discounting" rule upang
mapanatili ang proteksyon sa mga nakatatanda habang tinitiyak na ang mga negosyo ay nananatiling
matatag at nakakapaglingkod sa lipunan. Isang paalala ito na sa pamamahayag at pagpapatupad ng
batas, kailangang lagging may balanse ang katarungan para sa lahat.






