MANILA, Philippines — Tatlong weather system ang magdadala ng pag-ulan sa ilang bahagi ng Luzon at Visayas ngayong Martes, Oktubre 20, ayon sa PAGASA.
Makakaranas ang Palawan ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms dahil sa Intertropical Convergence Zone (ITCZ). Posible ang flash floods o landslides dahil sa katamtaman hanggang kung minsan ay malakas na ulan.
Dahil naman sa trough ng Super Typhoon Champi, makararanas din ng scattered rains at thunderstorms ang Catanduanes, Northern Samar at Eastern Samar, kung saan posible rin ang pagbaha at pagguho ng lupa.
Sa Batanes at Babuyan Islands, easterlies ang magdadala ng isolated rain showers o thunderstorms.
Samantala, bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may isolated rain showers o thunderstorms dahil sa localized thunderstorms ang aasahan sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa.
Dakong alas-3 ng madaling araw, namataan ang Super Typhoon Champi sa layong 1,605 kilometro silangan ng Central Luzon. Taglay nito ang maximum sustained winds na 195 kilometro kada oras at pagbugsong aabot sa 240 kph habang kumikilos west-northwestward sa bilis na 20 kph.
Inaasahang papasok si Champi sa Philippine Area of Responsibility ngayong Martes at tatawaging Rosal. Posible ring magtaas ang PAGASA ng Tropical Cyclone Wind Signals sa ilang bahagi ng Northern Luzon at Bicol Region habang papalapit ang bagyo. RNT