Home METRO 20-anyos na ‘arki’ stude, tigok sa pananaksak sa Lipa City

20-anyos na ‘arki’ stude, tigok sa pananaksak sa Lipa City

1
0

LIPA CITY, Batangas — Hustisya ang sigaw ng pamilya ng 20-anyos na architecture student na nasawi matapos pagsasaksakin habang naglalakad pauwi mula sa paaralan sa Barangay Duhatan, Lipa City.

Kinilala ang biktima na si Jazmine Iya Martinez, third-year architecture student ng National University-Lipa. Nangyari ang krimen dakong alas-7:30 ng gabi noong Miyerkules.

Ayon sa pulisya, sinundan umano ng isang nakamotorsiklong lalaki si Martinez bago siya limang beses na saksakin.

Makikita sa CCTV footage ang biktima habang naglalakad pauwi, habang sa isa pang kuha ay makikita ang isang motorsiklong biglang nag-U-turn at sumunod sa kanya. Nakunan din umano ang motorsiklo habang tumatakas matapos ang insidente.

Sinabi ni Lipa City Police chief Lt. Col. Aleli Buaquen na nakatakip ang mukha ng rider at walang plaka ang motorsiklo, dahilan upang maging mahirap ang pagkilala rito.

Tatlong person of interest ang kasalukuyang tinututukan ng mga imbestigador.

Ayon sa pulisya, kabilang sa mga tinitingnang anggulo ang posibleng personal o romantic relationship na may kaugnayan sa biktima. Sinabi rin nitong hindi pangunahing motibo ang robbery o rape batay sa kasalukuyang imbestigasyon.

Bumuo na ang Lipa City Police Station ng special investigation team para tutukan ang kaso.

Nanawagan naman ang pamilya ni Martinez sa responsable sa krimen na sumuko at hiniling sa mga awtoridad na mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng estudyante. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here