CAVITE — Inalis sa puwesto at inilagay sa restrictive custody ang isang miyembro ng Cavite Police matapos masangkot umano sa insidente ng pananaga sa isang 20-anyos na estudyante sa Amadeo, Cavite.
Ayon sa Cavite Police Provincial Office (CPPO), nakatalaga ang naturang pulis sa Carmona Component City Police Station at inilagay sa restrictive custody simula Oktubre 19, 2026 habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Masusing sinisiyasat ng pulisya ang insidente upang matukoy ang buong pangyayari at posibleng pananagutan ng mga sangkot.
Binigyang-diin ng Cavite PNP na hindi nito kinukunsinti ang anumang uri ng pang-aabuso, lalo na mula sa mga tauhang inaasahang magpatupad ng batas at pangalagaan ang kaligtasan ng publiko.
Ayon sa pulisya, ang sinumang mapatutunayang lumabag sa batas ay haharap sa kaukulang administrative at criminal charges batay sa resulta ng imbestigasyon.
Patuloy ang imbestigasyon upang mabigyang-linaw ang insidente. Margie Bautista