MANILA, Philippines – Nilinaw ng Korte Suprema na may sarili at independiyenteng kapangyarihan ang Office of the Ombudsman na mag-imbestiga sa mga iregularidad ng mga opisyal ng gobyerno, kahit hindi pa tapos ang audit ng Commission on Audit (COA).
Sa desisyong isinulat ni Associate Justice Maria Filomena Singh, binigyang-diin ng SC na magkaiba ang mandato ng dalawang ahensya — ang COA ay nag-a-audit ng pondo at transaksyon ng gobyerno, habang ang Ombudsman ay nag-iimbestiga sa mga maling gawain ng mga pampublikong opisyal.
Bagama’t nakatutulong ang ulat ng COA, hindi ito binding at hindi obligadong sundin ng Ombudsman.
Dahil dito, pinagtibay ng SC ang parusang dismissal from service, permanenteng diskwalipikasyon sa paghawak ng posisyon sa gobyerno, at pagbawi sa retirement benefits laban sa ilang dating opisyal ng Palawan, kabilang si Ronelo Del Socorro, na sangkot sa iregularidad sa paggamit ng Malampaya Fund.
Napatunayang guilty ang mga dating opisyal sa grave misconduct, serious dishonesty, at gross neglect of duty bunsod ng anomalya sa paggamit ng bahagi ng P2.572 bilyong Malampaya Fund.
Binigyang-diin ng SC na sa ilalim ng Article 11, Section 13(1) ng Konstitusyon at ng Ombudsman Act of 1989, may kapangyarihan ang Ombudsman na magsagawa ng sariling imbestigasyon batay sa reklamo. Jocelyn Tabangcura-Domenden