Home NATIONWIDE PBBM, titiyaking protektado mga Pinoy sa gitna ng gulo sa Europa

PBBM, titiyaking protektado mga Pinoy sa gitna ng gulo sa Europa

3
0

MANILA, Philippines – Sinabi ng Malakanyang na dapat na protektado ang mga filipino sa patuloy na kilos protesta sa France at Italy.

Sa katunayan, ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, inatasan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno na tugunan ang mga pangangailangan ng mga filipino na apektado ng nasabing kilos protesta sa Europa.

“Ang Pangulo naman po kapag may ganitong pangyayaring kaguluhan, unang-una po talaga niyang ipinag-uutos na asikasuhin kung ano ang pinagdaraanan ng ating mga kababayan sa lugar na nagkakaroon ng ganitong klaseng sitwasyon,” ayon kay Castro.

Tiniyak ng Malakanyang sa publiko na prayoridad ng Pangulo ang protektahan ang mga overseas filipino sa panahon ng kaguluhan.

“Kahit na anong kaguluhan, ang Pangulo po ang unang pinoprotektahan ay ang OFW,” aniya pa rin.

“Kung hindi magkakaroon ng kaayusan at pinagdadasal naman natin na sana ay maayos agad ang nangyayari sa nasabing mga lugar, maaari pong magpa-repatriate kung kinakailangan, iyan naman din po ang utos ng Pangulo, kung kinakailangan at gusto ng ating mga kababayan na naiipit sa ganitong klaseng sitwasyon,” litaniya nito.

Sa kabilang dako, sinabi ni Castro na mahigpit na mino-monitor ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac ang situwasyon lalo na sa Milan, Italy.

Umaasa naman si Castro na mapayapang matatapos ang ang kaguluhan sa France, Italy, at iba pang European countries at hindi makaaapekto sa planong pagdalo ng European leaders sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa Maynila sa susunod na buwan.

“We just pray na hindi,” ani Castro nang tanungin kung ang kaguluhan sa Europa ay makaaapekto sa pagdalo ng mga lider sa nalalapit na ASEAN Summit.

Sa kabilang dako, hinikayat naman ni Castro ang publiko na unawain kung paanong ang global events at El Niño ay makaaapekto sa presyo ng mga pangunahing bilihin habang patuloy ang gobyerno na gumagawa ng hakbang para harapin ang tumataas na presyo at iba pang hamon.

Idinagdag pa nito na ang gobyerno ay nananatiling committed na protektahan ang publiko at panatilihin ang kapayapaan at kaayusan. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here