MANILA, Philippines – Humigit-kumulang 20,000 overseas Filipino workers (OFWs) na naapektuhan ng digmaan ng United States at Israel laban sa Iran ang nabigyan ng tulong pinansyal ng Department of Migrant Workers (DMW).
Sinabi ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac nitong Miyerkules na nabigyan ng tig-$200 o mahigit ₱12,000 na ayuda ang mga OFW na naapektuhan ang trabaho dahil sa kaguluhan sa Middle East.
Ayon kay Cacdac, partikular na tinamaan ang hospitality at construction sectors noong kasagsagan ng conflict mula Marso hanggang Mayo.
Gayunman, sinabi niyang unti-unti nang nakakarekober ang hospitality sector mula sa epekto ng kaguluhan.
Bukod sa financial assistance, sinabi ng kalihim na humigit-kumulang 12,000 OFWs din ang natulungan ng gobyerno na makauwi sa Pilipinas.
Nagbigay din ang DMW ng on-site assistance, repatriation support at post-arrival at reintegration services sa mga umuwing manggagawa.
Bahagi ng proseso ang pagkuha ng impormasyon hinggil sa skills, dating trabaho sa abroad at plano ng bawat umuwing OFW upang maitugma sila sa mga posibleng employment, livelihood o training opportunities.
“We get their profiles so when they come in, kilala na natin sila, may digital record na sila in terms of their skill sets, ’yung posisyon nila sa abroad, at kung ano ang ninanais nila,” ani Cacdac.
May iniaalok ding training at upskilling programs para sa mga OFW na nais muling magtrabaho sa mga sektor gaya ng hospitality at construction.
Nauna nang sinabi ng DMW na pinalawak nito ang reintegration program para sa mga repatriated OFWs, kabilang ang medical at psychosocial support, local employment, overseas redeployment at livelihood opportunities.
Patuloy din ang monitoring at assistance operations ng DMW sa Middle East sa gitna ng nagpapatuloy na regional tensions. Dave Medina