Home NATIONWIDE Malacañang tiniyak kahandaan ng gobyerno sa Super Typhoon Rosal

Malacañang tiniyak kahandaan ng gobyerno sa Super Typhoon Rosal

3
0

MANILA, Philippines – Tiniyak ng Malacañang na nakahanda ang mga ahensya ng pamahalaan sa posibleng epekto ng Super Typhoon Rosal habang patuloy itong kumikilos sa karagatan sa silangan ng Northern Luzon.

Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro nitong Miyerkules na nakapag-ugnayan na ang mga kinauukulang ahensya at nakapaghanda ng mga hakbang para sa posibleng epekto ng bagyo.

“Ang DSWD, ang DPWH, ang DENR, lahat ng ahensiyang concerned, pati po ang DOH, handa po sila sa mga ganitong kondisyon at sitwasyon,” ani Castro.

Kabilang sa mga inaasahang tutugon ang Department of Social Welfare and Development para sa relief assistance, Department of Public Works and Highways para sa road clearing at infrastructure response, Department of Environment and Natural Resources, at Department of Health para sa posibleng medical at emergency needs.

Sa pinakahuling 4 p.m. weather update ng PAGASA, namataan ang mata ng Super Typhoon Rosal, na may international name na Champi, 750 kilometro silangan ng Aparri, Cagayan.

Taglay nito ang maximum sustained winds na 205 kilometers per hour malapit sa gitna at bugso na umaabot sa 250 kph habang kumikilos pa-kanluran-hilagang-kanluran sa bilis na 25 kph.

Bahagya na itong humina mula sa 215 kph maximum sustained winds na naitala kaninang umaga. Sa 11 a.m. bulletin, sinabi ng PAGASA na nananatili itong Super Typhoon habang kumikilos sa karagatan sa silangan ng Northern Luzon.

Nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 2 sa Batanes habang may mga lugar din sa Northern Luzon na nasa ilalim ng Signal No. 1. Inaasahan ang stormy weather sa Batanes at malalakas na pag-ulan at bugso ng hangin sa ilang bahagi ng Northern Luzon.

Batay sa forecast track ng PAGASA, inaasahang kikilos si Rosal pahilagang-kanluran at mananatili sa karagatan habang papalapit sa Extreme Northern Luzon bago lumabas ng Philippine Area of Responsibility sa pagitan ng Biyernes ng gabi at Sabado ng umaga.

Pinapayuhan ang publiko, partikular ang mga residente sa mga lugar na nasa ilalim ng tropical cyclone wind signals, na bantayan ang mga abiso ng PAGASA at lokal na pamahalaan at maging handa sa posibleng pagbaha, landslide at malalakas na hangin.

Samantala, sinabi rin ni Castro na pinag-aaralan pa ng Malacañang ang panukala ng Department of Labor and Employment na gawing batayan ang 40 degrees Celsius na heat index sa posibleng pagsususpinde ng trabaho dahil sa matinding init. Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here