Home NATIONWIDE Pinoy teachers sa US pinaalalahanang sumunod sa J-1 visa rules

Pinoy teachers sa US pinaalalahanang sumunod sa J-1 visa rules

3
0

MANILA, Philippines — Pinaalalahanan ang mga gurong Pilipino na nagtatrabaho sa United States sa ilalim ng J-1 Exchange Visitor Program na mahigpit na sumunod sa mga kondisyon ng kanilang visa, kabilang ang two-year home-country residency requirement para sa mga participant na sakop nito.

Ibinigay ng Commission on Filipinos Overseas (CFO) ang paalala sa isang post-arrival orientation seminar para sa mga Filipino teachers sa US.

Ipinaliwanag sa programa ang tinatawag na two-year home-country physical presence requirement, kung saan ang ilang J-1 visa holders ay kailangang bumalik at manirahan sa kanilang home country nang pinagsamang dalawang taon matapos ang kanilang exchange program bago sila maging kuwalipikado sa ilang US immigration benefits, maliban kung makakuha sila ng waiver.

Hindi naman lahat ng J-1 visa holders ay awtomatikong sakop ng naturang requirement. Ayon sa US Department of State, maaaring ma-apply ito kapag government-funded ang exchange program, kabilang ang ilang programang pinondohan ng US o home-country government, o kapag sakop ng iba pang kondisyon sa ilalim ng US immigration law.

Para sa mga sakop ng requirement, kailangang makumpleto ang dalawang taong physical presence sa home country bago makapag-adjust sa permanent resident status o makatanggap ng ilang immigrant at nonimmigrant visas, maliban kung maaprubahan ang waiver.

Tinalakay din ng CFO ang proseso ng paghingi ng No Objection Statement at iba pang alituntunin para sa mga participant na nais mag-apply ng waiver.

Ayon sa datos ng CFO, mahigit 50,000 Pilipino ang nairehistro sa US Exchange Visitor Program sa nakalipas na dekada.

Mahigit 20,200 dito ang sumali sa summer work and travel program, habang halos 9,500 ang mga guro at nasa 6,000 naman ang trainees.

Sa ilalim ng teacher category ng BridgeUSA, maaaring magturo ang mga kuwalipikadong foreign educators sa accredited US elementary at secondary schools.

Tatlong taon ang base period ng teacher exchange program, bagama’t maaaring humiling ang host school ng isa o dalawang taong extension sa pamamagitan ng program sponsor at kinakailangan pa itong aprubahan.

Ayon sa CFO, layunin ng patuloy na orientation sessions na mas maunawaan ng mga Filipino exchange participants ang kanilang visa obligations at mapanatili ang kanilang pagsunod sa mga patakaran ng educational at cultural exchange program. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here