Home NATIONWIDE Chinese embassy sinita ng DFA sa ‘undiplomatic’ posts

Chinese embassy sinita ng DFA sa ‘undiplomatic’ posts

1
0

MANILA, Philippines – Sinita ng Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Huwebes ang Chinese Embassy sa Maynila dahil sa mga post nito sa social media na anila’y nagpapalala ng tensiyon at hindi naaayon sa diplomatikong asal.

Ayon sa DFA, ang mga pahayag ng embahada ay “erode mutual trust and confidence, and severely undermines the efforts to stabilize and improve bilateral relations.”

Binigyang-diin din ng kagawaran na, “All diplomats are expected to conduct and express themselves in a manner befitting diplomatic envoys, especially on social media.”

Naging aktibo kamakailan ang X account ng Chinese Embassy sa pagtugon sa mga pahayag ng mga opisyal ng Pilipinas kaugnay ng kontrobersiyal na sinabi ni Chinese Ambassador Jing Quan noong Oktubre 15. Sinabi ni Jing na madaling mananalo ang Beijing laban sa Maynila kung gagamit ito ng puwersa, ngunit nilinaw din niyang hindi ito gagawin ng China at nais nitong mapanatili ang kapayapaan.

Ipinagtanggol naman ng embahada ang ambassador at sinabing inalis sa konteksto ang kanyang mga pahayag.

Ayon sa DFA, pinahahalagahan ng Pilipinas ang ugnayan nito sa China, ngunit ang mga kamakailang pahayag ng embahada ay hindi naaayon sa matagal nang diwa ng konstruktibong pakikipag-ugnayan ng dalawang bansa. Dagdag nito, hindi nakatutulong sa magandang relasyon at maayos na pagtupad sa tungkuling diplomatiko ang mga naturang pahayag.

Binigyang-diin din ng DFA na nakalaan sa Pilipinas ang karapatang magsagawa ng karagdagang diplomatikong hakbang kung kinakailangan.

Samantala, sinabi ng Chinese Embassy nitong Miyerkules sa X na hayagang hinahamon ni Defense Secretary Gilberto Teodoro ang One China Principle matapos niyang ibahagi sa Facebook ang isang post na nagsasabing may sariling pamahalaan ang Taiwan.

Tinanong din ng embahada kung ano ang magiging tugon ng DFA.

Muling pinagtibay ng DFA ang pagsunod ng Pilipinas sa One China Policy, na nakabatay sa Philippines-China Joint Communique noong 1975.

Ayon sa kagawaran, kinikilala ng Pilipinas ang People’s Republic of China bilang nag-iisang lehitimong pamahalaan ng China at nauunawaan at iginagalang ang posisyon ng Beijing na iisa lamang ang China at bahagi ng teritoryo nito ang Taiwan.

Dagdag ng DFA, patuloy na ipinapakita ng mga kaugnay na regulasyon ng Pilipinas ang tuloy-tuloy na pagpapatupad nito sa One China Policy. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here