Home OPINION WALANG IBABALIK DAHIL NAGASTOS NA?

WALANG IBABALIK DAHIL NAGASTOS NA?

3
0

PWEDE bang kunin mula sa gobyerno o sa mga sangkot ang salaping bahagi ng alokasyong idineklarang labag sa Saligang Batas sa 2024 at 2025 national budget?

Ipinaliwanag ni Solicitor General Darlene Berberabe na hindi iniutos ng Korte Suprema ang pagbabalik ng mga pondong nagastos na sa ilalim ng mga alokasyong idineklarang labag sa Konstitusyon sa 2024 at 2025 national budget.

Ayon sa paliwanag, nakabatay ito sa Doctrine of Operative Fact. Ibig sabihin, bagama’t idineklarang unconstitutional ang isang alokasyon, kinikilala ang ilang epekto ng mga naganap na transaksyon bago ang deklarasyon ng pagiging labag sa Konstitusyon.

Ang Office of the Solicitor General ang nagsisilbing abogado ng pamahalaan. Kaya ang posisyon nito ay mahalaga sa paninindigan ng administrasyon. Nakatakda ring magsampa ang pamahalaan, alinsunod sa utos ng Pangulo, ng motion for reconsideration kaugnay ng deklarasyong unconstitutional sa unprogrammed funds ng 2024 at 2025 budget.

Kung gayon, paano na ang bilyon-bilyong pisong nagastos? Dahil hindi iniutos ng Korte Suprema ang pagsasauli ng mga pondong nagamit na, nangangahulugan bang wala nang dapat habulin?

Sa paggalang sa OSG, kailangang linawin na ang Doctrine of Operative Fact ay hindi dapat ituring na awtomatikong panangga sa lahat ng transaksyong may kaugnayan sa pondong idineklarang labag sa Konstitusyon. Mahalaga ang mga pangyayari at ang mabuting pananampalatayang pinagbabatayan ng paggasta. Hindi dapat basta ipantatakip ang doktrinang ito sa mga ghost project na pinondohan nang may masamang hangarin.

Bagama’t hindi iniutos ng Korte Suprema ang pagbabalik ng nagastos na pondo, hindi rin nangangahulugang ipinagbabawal na bawiin, alinsunod sa batas, ang perang mapatutunayang ninakaw sa taumbayan. Dapat managot ang lahat ng mapatutunayang sangkot.

Posible bang mangyari ito sa panahon ni Bongbong Marcos, gayong naghahain pa nga ang pamahalaan ng motion for reconsideration? Pagkatapos ng kanyang termino, may pag-asa bang mapanagot ang mga sangkot?

Nakasalalay ito sa susunod na administrasyon. Kung ang mananalo ay kandidatong ineendorso ng kasalukuyang Pangulo, maaaring maging mahirap ang pagpananagot. Ngunit kung iba ang uupo, gaya ng pahayag ni Cong. Toby Tiangco na “one thousand percent” na hindi maaaring pakiusapan, maaaring magkaroon ng pagkakataong habulin ang mga sangkot at bawiin ang bilyon-bilyong piso.

Mabuti naman at nais umanong ma-convict sa impeachment ang taong tinutukoy ni Tiangco upang hindi makatakbo sa 2028. Kapag nangyari ito, maaaring magamit ng ineendorsong kandidato ang sitwasyon upang tipunin ang luha at dugo ng mga Pilipinong pinagnakawan at idilig sa mga libingang naghihintay sa mga dapat managot.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here