KAMALASAN o kawalan nga ba ng swerte ang dahilan kaya may aksidente? Marahil, ito ang iniisip natin kapag may nangyaring sakuna sa pagawaan, pabrika, o maging sa opisina.
Kung susuriing mabuti, karamihan sa mga nadulas, napatid, nabagsakan ng gamit, o nakuryente ay bunga ng makalat, magulo, at napabayaang kapaligiran. Dito pumapasok ang kahalagahan ng sistemang 5S, isang napatunayang disiplina na hindi lamang nagpapataas ng produksyon kundi nagsisilbing preventive measures at depensa laban sa anomang kapahamakan.
Nagsisimula ang kaligtasan sa Seiri (sort o paghihiwalay). Sa pamamagitan ng pag-aalis ng mga gamit, kalat, at sirang kagamitan na hindi naman kailangan sa araw-araw, nababawasan ang sagabal sa daanan at napipigilan ang pagbabara ng mga access door tulad ng fire exit kung magkaroon man ng sunog o lindol. Kasunod nito ang Seiton (pagsisinop o pagsasaayos). Ang prinsipyo ng pagkakaroon ng tiyak na lugar para sa bawat kasangkapan. Kapag nakalagay sa tamang lalagyan ang matatalim na gamit, kable, at kemikal, naiiwasan ang pagkapatid o pagkahiwa habang nagmamadali ang manggagawa.
Mahalaga rin ang Seiso (pagsisimot o kalinisan). Ang paglilinis ay hindi lang pagwawalis. Kaakibat nito ang inspeksyon. Sa pagpupunas ng makina o paglilinis ng sahig, agad na mapapansin ang tagas ng langis, maluwag na turnilyo, o gasgas na kable bago pa ito maging mitsa ng trahedya.
Upang hindi ito maging ningas-kugon, nariyan ang Seiketsu (paniniguro o standardization), kung saan nagtatakda ng malinaw na panuntunan at checklist upang pare-pareho ang pagsunod ng lahat sa mga pamantayang pangkaligtasan.
Ang pinakamahalagang haligi ay ang Shitsuke (sariling-kusa o sustained discipline). Kahit gaano pa kaganda ang sistema, mawawalan ito ng saysay kung babalik ang mga kawani sa dating gawi. Ang 5S ay hindi dagdag-trabaho o abala. Ito ay paghubog ng kultura ng malasakit at pag-iingat sa sarili at sa kapwa manggagawa.
Ang pagkontrol sa aksidente ay hindi laging nangangailangan ng mamahaling makinarya. Kailangang panatilihin ang maayos na espasyo, malinis na kapaligiran, at disiplinadong kaisipan upang matiyak na bawat manggagawa ay makauuwi nang buo at ligtas sa kanilang pamilya.






