Home HOME BANNER STORY Retirement age ng PNP, BJMP, BFP planong itaas sa 57

Retirement age ng PNP, BJMP, BFP planong itaas sa 57

3
0

MANILA, Philippines – Sinuportahan ng Philippine National Police (PNP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), at Bureau of Fire Protection (BFP) ang panukalang itaas mula 56 hanggang 57 ang compulsory retirement age ng kanilang mga tauhan upang mapanatili ang mga beteranong opisyal at mabigyan ng mas mahabang panahon ang pagpapatupad ng mga reporma.

Sa unang pagdinig noong Biyernes, hinimok ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson, chairman ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, ang mga ahensya na pag-aralan ang posibleng epekto nito sa promosyon ng mga nakababatang opisyal.

“Merong class dito sa Philippine National Police Academy na tatamaan because magma-mark time. Pag na-postpone yung retirement ng high-ranking officers, merong magma-mark time dito, hindi mapo-promote ka agad,” ani Lacson.

Ayon sa National Police Commission (NAPOLCOM), maaaring bumagal ang promosyon at paggalaw ng mga tauhan sa ranggo kung pati ang mga may wala pang isang taon bago magretiro ay papayagang manatili hanggang edad 57. Kung mananatili sa edad 56 ang pagreretiro ng mga malapit nang magretiro, mas maagang mababakante ang kanilang mga posisyon para sa mas mababang ranggo.

Naghain si Lacson noong Agosto ng Senate Bill No. 2395 para itaas sa 57 ang compulsory retirement age ng PNP, habang papayagang magretiro sa edad 56 ang mga may wala pang isang taon na lamang sa serbisyo sa oras na magkabisa ang panukala. Itinatakda naman ng Senate Bill No. 2396 ang kaparehong pagbabago para sa BJMP at BFP.

Pangkalahatang sinuportahan din ng Civil Service Commission ang panukala. Sinabi ng mga ahensya na makatutulong ito upang mapanatili ang karanasan at kaalaman ng mga tauhan at mabigyan ng mas maraming panahon ang pamunuan na ipatupad ang mga reporma. Ayon din sa PNP, maiaayon nito ang kanilang retirement policy sa Armed Forces of the Philippines, na may compulsory retirement age na 57.

Samantala, ipinauubaya muna ng Department of Budget and Management (DBM) sa Kongreso ang pagpapasya habang tinatapos nito ang position paper. Tinataya ng DBM na aabot sa ₱10.74 bilyon ang paunang matitipid sa 2027 mula sa pagpapaliban ng retirement at terminal leave benefits.

Sa nasabing halaga, ₱7.34 bilyon ang mula sa PNP, ₱1.72 bilyon sa BJMP, at ₱1.68 bilyon sa BFP. Gayunman, may katumbas ding dagdag na gastos sa sahod at allowances na tinatayang ₱1.18 bilyon para sa 1,210 posisyon sa PNP, ₱258 milyon para sa 546 posisyon sa BJMP, at ₱386 milyon para sa 271 posisyon sa BFP.

Nagbabala si Lacson na maaaring mabawi sa mga susunod na taon ang paunang matitipid dahil sa mas mahabang pananatili ng mga tauhan sa serbisyo. Kabilang sa posibleng dagdag-gastos ang longevity pay, naipong leave credits, at mas mataas na retirement benefits na kakalkulahin batay sa umiiral na sahod. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here