Home NATIONWIDE Pangilinan: Super El Niño, nararamdaman na sa 5 rehiyon; 8 paraan sa...

Pangilinan: Super El Niño, nararamdaman na sa 5 rehiyon; 8 paraan sa paghahanda, inilatag  

3
0

MANILA, Philippines – Nananawagan si Senador Francis Kiko Pangilinan na agad umaksyon ang pamahalaan laban sa super El Niño upang protektahan ang pagkain, tubig at kabuhayan ng mga Pilipino matapos umabot na sa P7 bilyon ang pinsala sa Cagayan Valley, Bicol, CALABARZON, SOCCSKSARGEN at CARAGA kung saan ramdam na ng mga magsasaka sa limang rehiyon ang epekto nito.

Aniya, kailangan nang kumilos at may pondo ang gobyerno para sa kalamidad kaya dapat tiyakin ang tama at hindi korap na paggastos.

Sa pagdinig sa budget ng Department of Budget and Management, ipinahayag ni Secretary Kim De Leon ang suporta sa whole-of-government response at tinukoy ang humigit-kumulang P112 bilyong pondo mula sa kasalukuyang budget ng mga ahensya, kabilang ang P39 bilyon sa National Disaster Risk Reduction and Management Fund.

Ani Pangilinan, dapat maging tubig para sa mga komunidad, proteksyon para sa mga sakahan, abot-kayang pagkain para sa mga pamilya at napapanahong tulong para sa mga nawawalan na ng kabuhayan ang mga pondong ito.

Dapat aniyang maging parang boy scout ang gobyerno na laging handa, umaksyon bago pa man maramdaman ang pinakamalalang epekto ng super El Niño at magsagawa ng kongkretong aksyon sa mga lugar na dumanas na ng pinsala. Inilatag niya ang walong DRaPPPHLO action points na Declare, Release at account, Preposition, Protect, Price, Hoarders, Livelihood at One.

Una, gawin ang nararapat na deklarasyon at lagyan ng operational plan ang bawat isa.

Hiniling niya sa National Disaster Risk Reduction and Management Council, Department of Agriculture, PAGASA at mga lokal na pamahalaan na agad pag-isahin ang pinakahuling forecast, damage assessment, water-supply conditions at food-production risks at magsumite ng rekomendasyon sa Pangulo. Para sa mga lugar na may qualifying damage at disruption, ang Section 16 ng Republic Act 10121 o Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010 ay nagbibigay ng presidential declaration ng state of calamity batay sa rekomendasyon ng NDRRMC, habang sa local level ay maaaring magdeklara ang local sanggunian batay sa rekomendasyon ng Local Disaster Risk Reduction and Management Council.

Para naman sa mga lugar na may mataas na posibilidad ng sakuna, ang RA 12287 o Declaration of State of Imminent Disaster Act ay nagpapahintulot sa Pangulo na magdeklara ng state of imminent disaster kabilang para sa drought, batay sa pre-disaster risk assessment at rekomendasyon ng NDRRMC. Maaari rin magdeklara ang local chief executives sa pamamagitan ng executive order batay sa rekomendasyon ng Regional DRRM Councils.

Magkaiba aniya ang imminent disaster sa state of calamity ngunit pareho ang layunin na maagapan ang pinsala at mapabilis ang tulong at hindi dapat hintaying lumala ang sitwasyon bago gamitin ang umiiral na pondo at programa. Dapat bawat deklarasyon ay may malinaw na oplan kung aling komunidad ang makatatanggap ng tulong, ano ang ibibigay, aling ahensya ang responsable, magkano ang pondo at kailan darating ang tulong.

Ikalawa, ilabas agad ang available funds at i-account ang bawat piso.

Ayon sa Section 10 ng RA 12287, maaaring gamitin para sa anticipatory action ang local DRRM funds, qualifying unexpended balances na papunta sa Special Trust Fund, regular national agency budgets at National DRRM Fund.

Hiniling niya sa DBM at mga kinauukulan na sa loob ng 48 oras ay magsumite ng consolidated report na nagtutukoy ng available funds, halagang na-commit na, approvals na kailangan, timetable sa pag-release at paggamit, at anumang funding o implementation gap na kailangan ng aksyon ng Pangulo o Kongreso.

Ani Pangilinan, parang kapos na tubig din ang tinatayang P112 bilyon kaya hindi pwedeng aksayahin o waldasin at dapat linawin ng DBM kung ano ang existing appropriations, available balances at halagang pwedeng gamitin para sa specific El Niño interventions.

Ganun din sa tinatayang P104 bilyon na nasa 2027 National Expenditure Program na proposed allocation pa lang at hindi perang pwede nang gastusin ngayon.

Hindi aniya sapat ang sabihing may pondo kundi dapat linawin kung magkano ang pwedeng gamitin ngayon, nasaan ito, sino ang maglalabas at kailan ito makararating sa nangangailangan.

Ikatlo, i-preposition ang supplies at ihatid ang tulong bago pa man umabot sa breaking point ang mga komunidad.

Sa ilalim ng Section 9 ng RA 12287 ay pinahihintulutan ang anticipatory measures matapos ang deklarasyon ng state of imminent disaster.

Hiniling niya sa DSWD, DA, DOH, DILG, OCD at mga lokal na pamahalaan na maghanda at magpatupad ng province at municipality-level readiness plans para matiyak ang napapanahong paghatid ng pagkain, ligtas na inuming tubig, gamot, hygiene supplies at iba pang mahalagang tulong sa mga komunidad na pinaka-nanganganib.

Dapat tukuyin ng mga plano ang available supplies, storage at distribution facilities, transport arrangements at mga tauhang responsable sa delivery.

Dapat ihanda rin ang water tankers, pumps, treatment equipment at repair teams. Unahin ang vulnerable households na may malinaw na delivery schedules at safeguards para makarating ang tulong sa tamang benepisyaryo nang walang hindi kinakailangang pagkaantala.

Kasama sa prepositioning ang imbentaryo ng relief packs sa mga bodega, mga barangay na nangangailangan, paano makakarating, sino ang mamamahagi at gaano kabilis ang replenishment. Unahin ang maliliit na magsasaka at mangingisda, low-income households, bata, buntis at nagpapasusong kababaihan, matatanda, taong may kapansanan at geographically isolated communities.

Ikaapat, protektahan ang mga sakahan, palaisdaan at water systems at hindi lamang palitan ang mga nawala pagkatapos.

Ani Pangilinan, prevention is the best cure. Hiniling niya sa DA, National Irrigation Administration, concerned water agencies at utilities at local governments na agad magkasundo sa area-specific water at agricultural contingency plans.

Kabilang sa kagyat na gawain ang pag-repair ng irrigation facilities, communal water systems, pumps at distribution lines at paglalathala ng irrigation schedules at water-supply advisories para makapagplano ang mga magsasaka at sambahayan.

Sa medium-term o sa loob ng susunod na buwan ay magbigay ng crop-specific advice sa planting calendars, suitable varieties at water-saving practices, magbigay ng veterinary, livestock-water, feed at aquaculture support, protektahan ang ani at panatilihin ang access sa storage, transport at markets at pabilisin ang iba pang authorized assistance.

Ang Section 9(g) ng RA 12287 ay partikular na nagbibigay ng contingency plans para maibsan ang pinsala sa agricultural products at food supply, habang kung may state of calamity ay inaatasan ng Section 17(c) ng RA 10121 ang programming o reprogramming ng pondo para sa repair at safety upgrading ng public infrastructure at facilities.

Ikalima, ipatupad ang price freezes kung saan ito na-trigger at magpataw ng justified price ceilings kung kinakailangan.

Sa ilalim ng Section 6 ng Price Act o RA 7581, ang state of calamity ay nagdudulot ng automatic price freeze sa basic necessities sa kasalukuyang presyo na tatagal sa panahon ng emergency hanggang 60 araw o hanggang 15 araw para sa imported o deregulated items gaya ng LPG at kerosene.

Iba ito sa presidentially mandated price ceiling. Sa ilalim ng Section 7 ng Price Act ay maaaring magpataw ang Pangulo ng price ceilings sa basic necessities at prime commodities batay sa itinakdang rekomendasyon kapag may paparating na kalamidad, emergency o hindi makatwirang pagtaas ng presyo.

Ang Section 17(a) ng RA 10121 ay nagbibigay din ng price ceilings matapos ang deklarasyon ng state of calamity.

Hiniling niya sa DTI, DA, DOH at Price Coordinating Council na agad ilathala ang covered products, applicable frozen prices o ceilings, geographical coverage at effective dates, magtatag ng daily monitoring ng essential goods sa mga apektado at high-risk markets, magsumite ng evidence-based recommendations para sa targeted ceilings kung may statutory grounds, mag-post ng malinaw na consumer advisories sa mga palengke, supermarket, botika at online channels at panatilihin ang accessible complaint channels at agad iulat ang enforcement results.

Ikaanim, habulin ang mga profiteer, hoarder at cartel gamit ang ebidensya at aktwal na kaso.

Ani Pangilinan, huwag gamitin ang kalamidad para pagsamantalahan ang gutom at pangamba ng taumbayan.

Ang Section 5 ng Price Act ay nagbabawal sa hoarding, profiteering at cartels na may kinalaman sa basic necessities at prime commodities.

Nanawagan siya sa implementing agencies, local price councils at law enforcement na magsampa ng criminal at administrative charges laban sa mga mastermind, may-ari at organizer ng mga network na ito.

Hindi dapat tumigil ang enforcement sa mga frontline seller kundi dapat puntiryahin ang pinakatuktok. Sa ilalim ng Section 15 ng Price Act, ang illegal price manipulation ay may parusang pagkakakulong ng lima hanggang 15 taon at multa na P5,000 hanggang P2 milyon kapag napatunayan.

Ang Section 16 ay hiwalay na nagpaparusa sa paglabag sa automatic price controls o mandated ceilings ng pagkakakulong ng isa hanggang 10 taon at multa na P5,000 hanggang P1 milyon o pareho ayon sa desisyon ng korte. Hindi exempted ang public officials dahil ang Section 19 ay nagpapataw ng responsibilidad sa mga opisyal o empleyado na kasabwat o sadyang nagtago ng paglabag, na may karagdagang parusang permanent disqualification mula sa public office.

Ani Pangilinan, tulad sa flood-control scam, ang panawagan ng taumbayan ay ikulong na ang mga mapagsamantala.

Ikapito, magbigay ng livelihood relief at praktikal na daan sa pagbangon.

Ang Section 17(d) ng RA 10121 ay nag-aatas sa government financing o lending institutions na magbigay ng no-interest loans sa mga pinakaapektadong sektor ng populasyon sa pamamagitan ng kanilang kooperatiba o people’s organizations matapos ang deklarasyon ng state of calamity.

Nanawagan siya sa mga kinauukulan na agad ilathala ang implementing procedures tulad ng kung sino ang kwalipikado, aling kooperatiba at organisasyon ang maaaring lumahok, dokumentaryong kailangan, tuntunin sa pautang at application at release procedures.

Dapat unahin ang maliit na magsasaka at mangingisda na nawalan o lumiit ang ani o huli. Kambal dapat aniya ang tulong sa sambahayan at sa kabuhayan para tuloy ang produksyon at kita.

Ikawalo, magtatag ng isang coordinated response at public accountability system.

Nanawagan siya sa Pangulo na atasan ang NDRRMC sa pamamagitan ng OCD at mga kinauukulan na panatilihin ang isang coordinated El Niño action plan na may named leads, measurable targets at regular public reporting.

Dapat may pang 24 hours, pang 48 hours at pang lingguhang ulat sa forecasts, damage reports, water conditions, priority needs, funding matrix, supply inventory, price-control advisories at patuloy na feedback tulad ng funds released at spent, supplies delivered, households reached, farm at water interventions na natapos, price complaints na naaksyunan at kasong naisampa.

Ang gulugod nito aniya ay maayos na paggastos ng pera ng taumbayan. Ang Section 8 ng RA 12287 ay nag-aatas na ng monitoring sa declared areas, anticipatory-action fund utilization at estimated economic at social costs na naiwasan. Gumawa aniya ng public dashboard na nagpapakita ng resources at mga resulta.

Sinabi ni Pangilinan na hihingi siya ng updated funding at implementation reports bago ang plenaryo at magpapatuloy sa oversight para matiyak na ang mga pangakong binitawan sa budget hearing ay magiging tulong sa ground.

May responsibilidad din aniya ang mga mamamayan na magtipid sa paggamit ng tubig at kuryente, i-report ang mga sirang tubo at tumatagas na tubig, at i-report ang mga pinaghihinalaang pananamantala.

Aniya, may batas, may mga pondong tinukoy at may mga ahensyang may malinaw na tungkulin. Ang kailangan ngayon ay agarang pagpapasya, maayos na pagpapatupad at malinaw na pananagutan.

Hindi kontrolado ng tao ang panahon ngunit tungkulin na huwag hayaang lumala ang pinsalang maaaring maagapan. Unahan ang krisis, madaliin ang tulong, at protektahan ang pagkain, tubig at kabuhayan ng bawat pamilyang Pilipino.  Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here