Home NATIONWIDE Military war games inilunsad sa Dinagat Islands

Military war games inilunsad sa Dinagat Islands

2
0

MANILA, Philippines – Nasa 600 sundalo ang lumahok sa apat na araw na joint military exercises sa Dinagat Islands na nagsimula noong Huwebes, Oktubre 22, upang subukan at palakasin ang kahandaan ng mga tropa at lokal na awtoridad sa mga sitwasyon ng labanan at mga sakunang dulot ng tao.

Pinangunahan ng Eastern Mindanao Command (EastMinCom) ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagsasanay na tinawag na “Exercise Surigao Sentinel 01-2026.”

Kabilang sa mga aktibidad ang live-fire exercises, paggalaw ng mga tropa, at mga operasyong pandigma sa mahahalagang lugar sa lalawigan.

Ayon kay Col. Rosa Ma. Cristina Rosete-Manuel, tagapagsalita ng EastMinCom, layunin ng pagsasanay na subukan ang koordinasyon ng mga yunit ng militar, ahensiya ng pamahalaan, at iba pang katuwang sa pagtugon sa iba’t ibang sitwasyon.

Susuriin din ang kahandaan ng mga puwersa sa mga operasyong sumasaklaw sa iba’t ibang larangan, seguridad sa karagatan, at humanitarian assistance and disaster response (HADR).

Binigyang-diin ni Rosete-Manuel na layunin ng pagsasanay na palakasin ang sama-samang kahandaan, pagtutulungan ng mga ahensiya, at kakayahan ng mga komunidad na makabangon sa mga sakuna.

Naging pinakamatindi ang mga aktibidad noong Biyernes, Oktubre 23, nang isagawa ng mga yunit militar ang maritime air strike operations, counter-landing live-fire exercises, maritime interdiction, at coastal defense operations.

Kasabay nito, nagsagawa ang mga civil defense unit ng mga pagsubok sa siren alarms, checkpoint operations, paglikas sa mga sibilyan, at malawakang pamamahagi ng ayuda.

Magtatapos ang pagsasanay sa Linggo, Oktubre 25, sa pamamagitan ng seremonya ng pag-aalay ng mga korona ng bulaklak at pagpapatunog ng mga busina sa Battle of Surigao Strait Shrine bilang paggunita sa makasaysayang labanan.

Bilang pag-iingat sa kaligtasan habang isinasagawa ang live-fire exercises, nagpatupad ang mga awtoridad ng pagbabawal sa paglalayag sa mga apektadong katubigan.

Inatasan ang mga mangingisda at operator ng mga pampasaherong bangka na manatili muna sa pantalan at sumunod sa mga abisong pandagat ng Philippine Coast Guard, mga lokal na pamahalaan, at municipal disaster risk reduction offices.

Hango ang pagsasanay sa Battle of Surigao Strait na naganap noong 1944 bilang bahagi ng Battle of Leyte Gulf noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Sa labanan, hinarang ng pinagsanib na puwersa ng mga barkong pandigma ng Estados Unidos at Australia, sa pamumuno ni Rear Admiral Jesse B. Oldendorf, ang puwersang pandagat ng Japan na pinamunuan ni Vice Admiral Shoji Nishimura.

Ayon sa EastMinCom, nananatiling mahalaga ang pagkakaisa, tiwala, at disiplina na ipinamalas sa makasaysayang labanan sa kabila ng pagbabago ng mga estratehiya at teknolohiya sa digmaan. Bahagi rin ito ng paghahanda ng militar sa pagpapalakas ng panlabas na depensa sa ilalim ng Comprehensive Archipelagic Defense Concept (CADC). RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here