MANILA, Philippines – MULING pinagtibay ni Senator Bong Go ang kanyang suporta sa skills development at livelihood opportunities sa mga mamamayan nang dumalo ito sa pagtatapos sa agricultural training ng mga trainee ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa Zamboanga Sibugay kamakailan lamang.
Natapos ng mga trainee ang kanilang bokasyonal na kurso sa BAC Jazz Farm sa Barangay La Dicha, Malangas, Zamboanga Sibugay nitong Biyernes.
Nakatuon ang training sa pagbibigay sa kanila ng kakayahan sa practical agricultural skills at pagtataas ng oportunidad para sa kanilang empleyo, pagnenegosyo at paghahanapbuhay.
Kabilang sa mga pinag-aralan ng trainees ang agricultural production, poultry raising, farm management, at related livelihood activities.
Pinangunahan ang aktibidad ni Zamboanga Sibugay Board Member Boyet Yambao na nagsilbi na ring proponent ng programa.
Malugod na binati ni Go ang mga graduate at hinimok ang mga ito na gamitin ang mga bago nilang natutunan sa mabungang paghahanapbuhay para makatulong na rin sa kani-kanilang mga komunidad.
Sa 50 nagtapos, 25 ang nakakompleto ng Agricultural Crops Production National Certificate II (NC II) training habang 25 ang nakatapos ng Animal Production (Poultry-Chicken) NC II training.
Idiniin ni Go ang kahalagahan ng technical at vocational education sa pagtulong sa mga Filipino, lalo na ang mahihirap.
Aniya, makatutulog ito nang husto sa paghahanap ng empleyo at maayos at matatag na kita.
Kailangan na kailangan ang ganitong mga skills training, aniya, sa mga komunidad na agrikultural para lalong mapahusay ang mabungang pagsasaka, maitayo ang mga hanapbuhay at maging aktibo ang lahat sa produksyon ng pagkain.
Kinilala na rin ni Go ang kontribusyon ng mga manggagawang bukid at maliliit na producer para sa seguridad ng pagkain at pag-unlad ng buhay ng mga komunidad.
Nagpamahagi na rin ang senador ng food packs, ballpens, vitamins, shirts, basketballs, volleyballs, at keychains bilang tanda ng tuloy-tuloy nitong pagsuporta sa mga Filipno sa kanilang patuloy na edukasyon, skills development at pagkakataon sa buhay.
Kaugnay nito, inihain nito ang Senate Bill No. 177 para ma-institutionalize ang rural employment assistance sa pamamagitan ng panukalang Rural Employment Assistance Program na iniuugnay sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) initiative. RNT