Home NATIONWIDE BI nagbabala sa pekeng trabaho sa Russia; Pinoy na K9 handler naharang...

BI nagbabala sa pekeng trabaho sa Russia; Pinoy na K9 handler naharang sa Cebu

3
0

MANILA, Philippines – Muling nagbabala ang Bureau of Immigration (BI) sa mga kahina-hinalang alok na trabaho sa Russia matapos mapigilan ang isa pang Pilipino na umano’y nirekrut para sa trabahong may kaugnayan sa seguridad sa naturang bansa.

Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony M. Viado, naharang ang 50-anyos na lalaking Pinoy sa Mactan-Cebu International Airport (MCIA) noong Oktubre 10, 2026, habang tangkang bumiyahe patungong Vietnam sakay ng Cathay Pacific.

Sa pagtatanong ng Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES), isiniwalat ng pasahero na Russia ang tunay niyang destinasyon para magtrabaho bilang K9 handler o tagapagsanay at tagapangasiwa ng mga asong panseguridad.

Lumalabas sa imbestigasyon na nakipag-ugnayan sa kanya ang recruiter sa pamamagitan ng WhatsApp at nag-usap sila sa voice call bago ibinigay ang mga dokumento para sa biyahe.

Inalok umano ang Pinoy ng suweldong US$3,500 kada buwan o katumbas na libo-libong piso, nang walang paunang bayad. Gayunman, inutusan umano siyang magpanggap na turista upang maitago ang tunay na layunin ng kanyang paglalakbay.

Dahil sa kahina-hinalang paraan ng pagrerekrut, isinangguni ang pasahero sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa kaukulang tulong at masusing pagsusuri sa umano’y recruitment scheme.

Binigyang-diin ni Viado na maaaring magsimula sa isang tila lehitimong alok na trabaho ang human trafficking, kaya dapat maging mapanuri ang mga Pilipinong naghahanap ng oportunidad sa ibang bansa.

Pinayuhan din ng BI ang mga aplikante na beripikahin muna sa Department of Migrant Workers (DMW) ang kanilang job offers at tiyaking kumpleto ang mga kinakailangang dokumento sa pagtatrabaho at pahintulot bago umalis ng bansa.

Nagbabala ang ahensiya na dapat magduda ang mga aplikante sa mga recruiter na nag-uutos na magsinungaling tungkol sa tunay na pakay ng pagbiyahe o magkunwaring turista kahit may nakatakdang trabaho sa ibang bansa.

Giit ng BI, mahalagang tiyakin ang pagiging lehitimo ng trabaho upang hindi mauwi sa pananamantala o human trafficking ang paghahangad ng mga Pilipino na kumita nang malaki sa abroad. Jay Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here