MANILA, Philippines – Hihigpitan ng Philippine National Police (PNP) ang recruitment standards para sa mga nais maging pulis, kasunod ng mga ulat hinggil sa ilang criminology interns na lumalabag umano sa mga simpleng batas trapiko.
Ayon kay PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., mahalagang masala nang maaga ang mga aplikanteng may kuwestiyonableng background at character upang maprotektahan ang integridad ng organisasyon.
Binigyang-diin niya na walang puwang sa serbisyo ang mga aplikanteng hindi marunong sumunod at rumespeto sa mga simpleng alituntunin at batas.
Nauna nang nagbabala si National Police Commission (Napolcom) Vice Chairperson and Executive Officer Rafael Vicente Calinisan na maaaring hindi iproseso ang police application at hindi payagang kumuha ng entrance examination ang mga criminology intern na mapatutunayang sangkot sa mga paglabag.
Kabilang sa mga naiulat na paglabag ang pagmomotorsiklo nang walang helmet at paggamit ng unauthorized license plates.
Sinabi rin ni Nartatez na mahalaga ang impormasyon mula sa publiko at netizens sa background verification ng mga aplikante.
Hinimok naman ng PNP at Napolcom ang mga kolehiyo at unibersidad na nag-aalok ng criminology courses na tiyaking hindi lamang physically at mentally prepared ang kanilang mga estudyante kundi may disiplina at moral fitness din para sa police service. Santi Celario