MANILA, Philippines – Tatlong Pilipino ang hindi pinayagang makaalis ng bansa sa Davao International Airport matapos silang mapaghinalaang na-recruit para magtrabaho bilang sundalo o border guard sa Eastern Europe.
Ayon sa Bureau of Immigration (BI), edad 21, 50 at 51 ang tatlong pasahero na una umanong nagsabing pupunta sila sa Thailand upang lumahok o magsilbing coach sa isang Muay Thai tournament.
Gayunman, sa isinagawang secondary inspection, inamin umano ng tatlo na balak nilang tumuloy sa Eastern Europe matapos alukin ng trabahong may sahod na P200,000 kada buwan bilang sundalo o border guard.
Sinabi ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na dalawang dayuhang kinilala lamang bilang “Alexander” at “Oleg” ang umano’y nag-recruit sa kanila at nangakong sasagutin ang lahat ng kanilang gastusin sa biyahe.
Ayon pa sa BI, sinabi ng mga pasahero na ibibigay sa kanila ang kanilang electronic visas habang nasa Thailand na sila.
Ibinunyag din umano ng isa sa kanila na una silang inutusang bumiyahe noong Oktubre 13 gamit ang tinawag na “backdoor” route sa Zamboanga bago binago ang plano at pinadaan sila sa Davao.
Nakatakda sana silang umalis noong Oktubre 17 ngunit naharang sila ng immigration authorities.
Isinailalim ang tatlo sa kustodiya ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa mas malalim na imbestigasyon sa kanilang recruitment at planong trabaho sa ibang bansa.
Binalaan naman ng BI ang mga Pilipino laban sa mga overseas job offer na nangangako ng mataas na sahod ngunit may hindi malinaw na employment arrangement o kahina-hinalang travel plan.
Pinayuhan din ang publiko na beripikahin muna sa Department of Migrant Workers ang employer at recruitment agency bago tumanggap ng trabaho sa ibang bansa. Mary Anne Sapico