MANILA, Philippines – Ini-turn over ni outgoing Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon kay incoming Secretary Giovanni “Banoy” Lopez ang makakapal na dokumento kaugnay ng mga proyektong iniimbestigahan ng kagawaran upang maipagpatuloy ang pagpapanagot sa mga sangkot.
Ginawa ang turnover nitong Martes kasabay ng pagpapalitan ng puwesto nina Dizon at Lopez, matapos ianunsyo ng Malacañang na babalik si Dizon sa Department of Transportation habang si Lopez naman ang mamumuno sa DPWH.
Sa press conference sa tanggapan ng DPWH, binalikan ni Dizon ang ilang proyektong matagal umanong natengga at iniugnay niya sa mga kontrobersiyang kinasasangkutan ng ilang contractor at opisyal.
Ipinakita rin niya ang ilang proyektong natapos sa ilalim ng kanyang panunungkulan at iginiit na kayang matapos nang maayos ang mga proyekto kung tama at tapat ang pagpapatupad.
Ayon kay Dizon, panghahawakan ng pamahalaan ang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na buwagin ang mga sistemang nagkukubli sa katiwalian at gawing permanente ang mga repormang sinimulan sa DPWH.
Nauna nang sinabi ng Malacañang na inatasan si Lopez na palakasin ang safeguards at gawing bahagi ng mga patakaran at sistema ng DPWH ang mga repormang sinimulan sa ahensya.
Kasabay nito, sinabi ni Dizon na hindi dapat manaig ang pulitika, sisihan at turuan sa ahensya at sa halip ay kailangang magtulungan upang matugunan ang mga problema sa mga proyektong pampubliko.
Nanawagan naman si Lopez sa mga tauhan ng DPWH na makipagtulungan at sumunod sa mga repormang ipatutupad sa ilalim ng kanyang pamumuno. Jocelyn Tabangcura-Domenden