MANILA, Philippines – Wala pa ring natatanggap na surrender feelers ang Philippine National Police (PNP) mula kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, tatlong araw bago ang itinakdang deadline ng Department of the Interior and Local Government (DILG) para sa kanyang pagsuko.
“Wala pa pong feelers as of now,” pahayag ni PNP spokesperson Police Col. Allen Rae Co nitong Martes.
Ayon sa PNP, ang ibinigay na palugit para kay Dela Rosa ay pagkakataon upang kusang sumuko at maiwasan ang posibleng komprontasyon habang nagpapatuloy ang operasyon para matunton siya.
Nag-deploy na rin umano ng karagdagang tracker teams ang pulisya upang hanapin ang senador.
Si Dela Rosa ay hinahanap kaugnay ng warrant na inilabas ng International Criminal Court (ICC) sa crimes against humanity case na may kaugnayan sa drug war ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Inaakusahan siya bilang umano’y co-perpetrator sa mga krimeng saklaw ng kaso. Wala pang pinal na hatol laban sa kanya.
Nag-alok naman ang DILG ng P50 milyong reward para sa impormasyong hahantong sa pagkakaaresto kay Dela Rosa.
Gayunman, kinukuwestiyon ng legal team ni Dela Rosa ang legal na batayan ng reward at iginiit nitong walang arrest warrant laban sa senador na inilabas ng Philippine court.
Samantala, sinabi ng National Bureau of Investigation na patuloy itong tumatanggap at nagsusuri ng impormasyon hinggil sa posibleng kinaroroonan ng senador. Santi Celario