MANILA, Philippines – Tinatayang aabot sa dalawang milyong bisita ang dadagsa sa Manila North Cemetery ngayong Undas, ayon sa pamunuan ng sementeryo.
Sinabi ni Manila North Cemetery director Daniel Tan na pinakamaraming tao ang inaasahan mula Biyernes hanggang Lunes habang bumibisita ang mga pamilya sa puntod ng kanilang mga yumao.
Ngayong Martes, Oktubre 27, inaasahang nasa 50,000 katao ang pupunta sa sementeryo kasabay ng huling araw ng paglilinis, pagkukumpuni at pagpipintura ng mga puntod.
Miyerkules naman ang huling araw ng interment bago ang Undas period.
Mula Huwebes hanggang Lunes, ipagbabawal ang lahat ng uri ng sasakyan sa loob ng Manila North Cemetery.
Bilang paghahanda sa dagsa ng publiko, nagdagdag ang pamunuan ng CCTV cameras kaya umabot na sa 125 ang kabuuang bilang nito sa loob ng sementeryo.
Naka-deploy na rin ang mga tauhan ng Philippine National Police, City Security Force, local government units at iba pang national government agencies para sa seguridad at crowd management.
Pinaalalahanan naman ang publiko na huwag magdala ng mga ipinagbabawal na gamit tulad ng alak, gambling materials, hayop, sound system, musical instruments, matutulis na bagay at baril.
Ipinagbabawal din ang pagsusuot ng balaclava at helmet sa loob ng sementeryo alinsunod sa ordinansa ng Maynila.
Gayunman, ngayong Martes ay pinapayagan pa ang mga naglilinis ng puntod na magdala ng pintura, paint thinner at ilang cutting tools para sa paghahanda bago ang Undas. RNT