MANILA, Philippines – Hindi pa ramdam ng mga flower vendor sa Dangwa Flower Market ang inaasahang dagsa ng mga mamimili ilang araw bago ang Undas 2026.
Ayon sa ilang vendor, matumal pa sa ngayon ang bentahan ngunit inaasahan nilang dadami ang mga bibili mula ngayong hapon hanggang sa mismong araw ng Undas.
Kasabay ng pagdami ng mamimili, inaasahan ding tataas ang presyo ng iba’t ibang uri ng bulaklak at flower arrangements.
Sa kasalukuyan, nasa P1,800 ang flower arrangement na may stand gamit ang Malaysian mums at anthurium, ngunit maaari umano itong umabot sa P2,500 pagsapit ng Undas.
Ang maliliit na flower basket na nasa P150 ngayon ay posibleng umakyat sa P300, habang ang malalaking flower basket na P300 ay maaaring maging P500.
Ang garden flower arrangement naman na nasa P2,000 ay posibleng umabot sa P3,000.
Maaari ring tumaas mula P600 hanggang P800 ang cross at heart design, habang ang topiary na nasa P800 ay posibleng maging P1,000.
Samantala, nasa P2,000 kada set ang puting rosas, habang nasa P50 hanggang P100 kada piraso depende sa kalidad at laki.
Pinapayuhan ng mga vendor ang publiko na bumili nang mas maaga upang makatipid.
Ayon sa kanila, maaari namang tumagal nang dalawa hanggang tatlong araw ang fresh flowers basta maayos ang pag-preserve. Jocelyn Tabangcura-Domenden