MANILA, Philippines – Hinimok ni Senate President Win Gatchalian ang Department of Energy (DOE) at Energy Regulatory Commission (ERC) na papanagutin at patawan ng mabigat na parusa ang mga energy player na mapatutunayang umaabuso o hindi tumutupad sa kanilang obligasyon.
Ginawa ni Gatchalian ang panawagan sa gitna ng kakulangan sa suplay ng kuryente at mataas na electricity rates sa Visayas at Mindanao.
“Bukod sa brownout alerts, napakataas pa ng presyo ng kuryente sa Visayas at Mindanao. Hindi natin pwedeng palampasin ito, kailangan ng DOE ng kongkretong solusyon,” ani Gatchalian.
Binigyang-diin ng senador na kailangang magtulungan ang DOE bilang policymaker at ERC bilang regulator upang maprotektahan ang consumers laban sa kapalpakan sa sistema at posibleng market abuse.
“Kung hindi nagpe-perform o nag-aabuso ang mga power generation players, kailangang patawan ng mabigat na penalty,” dagdag niya.
Sa ilalim ng Electric Power Industry Reform Act o EPIRA, may kapangyarihan ang ERC na imbestigahan at parusahan ang market power abuse, anti-competitive behavior at iba pang paglabag ng mga kalahok sa industriya ng kuryente.
Nanawagan din si Gatchalian sa DOE na regular na magsagawa ng audit sa fuel pass-through charges, lalo na habang nananatiling pabago-bago ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Aniya, dapat matiyak na ang anumang pagtaas sa fuel cost na ipinapasa sa consumers ay may sapat na batayan at hindi ginagamit upang samantalahin ang sitwasyon.
Iginiit pa niya na sa panahon ng abnormal na sitwasyon o krisis, kailangang mas maging aktibo ang pamahalaan sa pagbabantay sa presyo at pagprotekta sa mga consumer.