MANILA, Philippines – Ipinaaabot ni Executive Secretary Ralph G. Recto, sa ngalan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang taos-pusong pakikiramay ng Malakanyang sa mga pamilyang naulila ng mga nasawing piloto ng Philippine Air Force, kasabay ng pagtitiyak na hindi sila nag-iisa sa kanilang pagdadalamhati.
Dumalaw si Recto sa burol nina Major David Joshua Rojo, Captain Ma. Melvin Acebuque, at First Lieutenant Angeleo Adrian Peñaflor sa Fernando Air Base sa Lipa City, Batangas, araw ng Lunes, Oktubre 26, upang personal na makiramay at magbigay-galang sa mga nasawing piloto.Nang araw ding iyon, personal ding dumalaw si Pangulong Marcos sa burol ni Captain Raymart Cabangcala sa Villamor Air Base sa Pasay City upang makiramay sa kanyang pamilya.
“Walang talumpating makapapawi sa sakit ng pagkawala. Walang parangal, gaano man kataas, ang makapapalit sa isa pang yakap, isa pang ngiti, o isa pang sandaling kapiling ang inyong mga mahal sa buhay,” sabi ni Recto sa kanyang mensahe para sa mga pamilya ng mga nasawing piloto.
“Alam naming hindi lamang magigiting na piloto ang nawala sa atin. May mga pamilyang nawalan ng anak, asawa, kapatid, at mahal sa buhay. May mga pangarap na hindi na matutupad at mga masasayang sandaling hindi na mauulit. Ang sakit na ito ay hindi kayang sukatin ng anumang salita,” dagdag niya.
Binigyang-diin ni Recto na ang paglilingkod at sakripisyo ng mga nasawing piloto ay hindi malilimutan ng sambayanang Pilipino.
“Sa kanilang mga pamilya, nais naming malaman ninyo na hindi lamang kayo ang nagmamahal at nagluluksa para sa kanila.
Nakikidalamhati rin ang buong bayan. Ang kanilang katapangan, dedikasyon, at pagmamahal sa ating bansa ay mananatiling bahagi ng kanilang alaala at pamana,” ani Recto.
Tiniyak niya sa mga naulilang pamilya na kasama nila ang Pangulo at ang buong pamahalaan sa kanilang pagdadalamhati at handang umalalay sa kanila sa panahon ng kanilang pangungulila.
“Ang mga mahal ninyo ay minahal din, iginalang, at pasasalamatan ng bayan,” dagdag niya. (KRIS JOSE)