Home TOP STORIES VACC nanawagan sa SC ng mas maayos na e-warrant implementation

VACC nanawagan sa SC ng mas maayos na e-warrant implementation

2
0

LAGUNA – Nanawagan ang Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) sa Korte Suprema na tiyakin ang maayos at agarang pagpapatupad ng e-warrant system sa mga korte sa buong bansa.

Kasabay ito ng pagsasampa ng reklamong perjury ni Monalie Dizon laban kay Judge Alvin Landicho sa Sta. Rosa, Laguna nitong Martes.

Ayon kay Dizon, anim na taon na umanong hindi naa-upload ang isang e-warrant na hinihintay ng law enforcement agencies para maipatupad.

Sinamahan siya ni VACC Chairman Manny Obedoza sa paghahain ng reklamo.

Iginiit ni Dizon na hindi niya layuning palakihin ang usapin ngunit nais umano niyang makamit ang katotohanan at hustisya.

Umapela rin siya na maayos na magampanan ng hukom ang kanyang tungkulin upang hindi maantala ang pagpapatupad ng mga warrant laban sa mga taong may kinakaharap na kaso.

Sinubukan namang kunan ng pahayag ang kampo ni Landicho ngunit wala umano ito sa kanyang tanggapan dahil naka-leave, ayon kay Mario Catindig Jr. ng City Cultural Affairs Office ng Santa Rosa.

Tinangka ring hingan ng pahayag si Sta. Rosa Acting Chief of Police PLtCol. John Paolo Carrecedo hinggil sa e-warrant issue ngunit tumanggi muna itong magkomento.

Ani Carrecedo, ipauubaya niya muna sa korte ang usapin dahil naisampa na ang reklamo at kailangan din niyang humingi ng clearance sa kanyang mga nakatataas bago magbigay ng mas detalyadong pahayag.

Samantala, ayon sa Supreme Court, ang mga usapin hinggil sa status ng mga kaso sa lower courts ay maaaring beripikahin sa mismong trial court o sa Office of the Court Administrator.

RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here