Home METRO 10-anyos na indigenous girl, natagpuang patay, nakatali sa puno sa Maguindanao del...

10-anyos na indigenous girl, natagpuang patay, nakatali sa puno sa Maguindanao del Sur

3
0

MAGUINDANAO DEL SUR, Philippines – Natagpuang patay ang isang 10-anyos na Indigenous girl na nakahubad at nakagapos ang mga kamay, paa at leeg sa isang puno sa liblib na lugar sa South Upi, Maguindanao del Sur, nitong Lunes.

Kinilala ni Capt. Steffi Salanguit, tagapagsalita ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR), ang biktima sa alyas na “Cyll,” isang Grade 5 pupil at residente ng bayan.

Natagpuan ang bata bandang alas-11 ng umaga sa Sitio Lower Tambel, Barangay Romongaob. Ang kanyang ama at tiyuhin ang nag-ulat sa mga awtoridad tungkol sa insidente.

Patuloy pang inaalam ng mga imbestigador ang sanhi at mga pangyayari sa pagkamatay ng bata, kabilang kung siya ay seksuwal na inabuso. Wala pang natutukoy na suspek habang nagpapatuloy ang follow-up investigation at intelligence operations ng pulisya.

Nag-alok naman si South Upi Mayor Helen Benito-Padua ng P50,000 pabuya para sa impormasyong makatutulong sa pagkakakilanlan at pagkakaaresto sa suspek.

Kinondena ng alkalde ang iniulat na panggagahasa at pagpatay sa bata at nagpahayag ng pakikiramay sa pamilya ng biktima.

“As a mother and public servant, I deeply sympathize with the victim’s family in the midst of their profound grief,” ani Padua, at iginiit na nararapat makamit ng bata ang hustisya.

Hinimok niya ang sinumang may impormasyon tungkol sa insidente na makipag-ugnayan sa South Upi Municipal Police Station.

Mariin ding kinondena ng Ministry of Indigenous Peoples’ Affairs (MIPA) ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao ang insidente, at binigyang-diin na kabilang ang biktima sa isang Indigenous community.

Sa pahayag na nilagdaan ni MIPA Minister Guiamal Abdulrahman, inilarawan ng ahensiya ang iniulat na panggagahasa at pagpatay bilang isang karumal-dumal at hindi katanggap-tanggap na karahasan laban sa isang menor de edad.

Binigyang-diin ni Abdulrahman na karapatan ng bawat bata ang mabuhay nang may dignidad, seguridad at proteksiyon laban sa pang-aabuso, pagsasamantala at karahasan.

Nanawagan ang MIPA ng mabilis, masusi, patas at malinaw na imbestigasyon upang matukoy ang mga responsable at mapanagot sila sa ilalim ng batas. Nangako rin ang ahensiya na susuporta sa mga pagsisikap na malaman ang katotohanan at makamit ang hustisya para sa biktima.

Patuloy ang imbestigasyon sa kaso. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here