MANILA, Philippines – Itinuturing ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na “gremlins” ang mga kalaban ng gobyerno na patuloy na nagpapakalat ng fake news.
Ang katuwiran ni Castro. marami kasi aniya sa mga kalaban ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at administrasyon nito ay hindi nakikita.
“Ang struggle lang kasi talaga natin, kahit naman kayo, dumadami po talaga ang mga troll na nagpapakalat ng maling balita,” ani Castro.
Magkagayon man, sinabi ni Castro na walang gagawing paghihigpit kundi mas magiging matapang pa ang kanyang communication strategy lalo na sa usapin ng fake news.
“Mahigpit, paano bang paghihigpit, wala namang paghihigpit. Alam ninyo kapag hawak naman ninyo ang katotohanan. Kasi kayo nagre-research, inaalam iyong katotohanan, hindi isya mahirap dalhin. Hindi siya pasan sa balikat. ‘pag hawak ninyo iyong katotohanan, mas madali siyang ma-relay, mas madali siyang mapakita sa mga kababayan natin,” ang pahayag ni Castro.
“At iyon lang siguro ang isa sa magiging kailangan nating pagtuunan pa ng pansin. Hindi po kasi dapat nagtatagumpay ang mga fake news peddlers, hindi niya puwedeng talunin, hindi nila puwedeng talunin ang mainstream media, kayo po ang dapat mas asahan ng mga kababayan natin, dahil sa inyo inaral ninyo po ito, mayroon po tayong—kumbaga, may ethics tayong sinusunod pagdating dito, kaya labanan natin huwag po natin silang hayaan na magtagumpay,” ang litaniya ni Castro. (KRIS JOSE)