Home NATIONWIDE Zalameda: ‘Good faith’ dapat ipagpalagay sa mga opisyal kaugnay ng unprogrammed funds

Zalameda: ‘Good faith’ dapat ipagpalagay sa mga opisyal kaugnay ng unprogrammed funds

3
0

MANILA, Philippines – Dapat ipagpalagay na kumilos nang may mabuting hangarin ang mga opisyal ng gobyerno na sangkot sa pagtaas ng unprogrammed funds sa pambansang badyet hangga’t walang patunay na gumawa sila ng mali, ayon kay Supreme Court Associate Justice Rodil Zalameda.

Sa panayam ng Judicial and Bar Council (JBC) nitong Lunes para sa posisyon ng chief justice, sinabi ni Zalameda na legal ang unprogrammed appropriations at itinuturing na naaayon sa batas ang mga aksyon ng mga opisyal hangga’t hindi ito pinawawalang-bisa ng korte.

“When you say it is constitutional, I don’t think the public officers may be held liable for such act, for act which is declared constitutional,” ani Zalameda.

“Aside from that, there is presumption of regularity on the part of these public officials and all their acts are considered valid until such acts are declared invalid,” dagdag niya.

Nilinaw niyang hindi nagpasya ang SC kung dapat managot ang mga opisyal sa kasong Lagman v. Congress dahil hindi ito kabilang sa mga isyung iniharap sa korte.

Binigyang-diin din niyang dapat igalang ang kapangyarihan ng bawat sangay ng gobyerno at hindi dapat makialam ang SC sa bawat desisyon ng Kongreso at ehekutibo.

Kaugnay ang kaso sa desisyon ng SC na nagbasura sa P449.5-bilyong dagdag sa unprogrammed funds sa 2024 badyet, P17.99-bilyong dagdag sa Special Road Fund sa 2025 badyet at ilang probisyon sa 2026 badyet.

Gayunman, kinilala ng mataas na hukuman na legal ang unprogrammed funds basta sinusunod ang Konstitusyon.

Hindi sumang-ayon si Zalameda sa pagbasura sa P449.5-bilyong dagdag. Ayon sa kanya, ang Article VI, Section 25(1) ng Konstitusyon ay naglalayong pigilan ang paggastos nang higit sa tiyak na pondo, samantalang ang unprogrammed funds ay magagamit lamang kapag may karagdagang pagkukunan ng pera.

Kabilang din sa mga aplikante sa pagka-chief justice sina Senior Associate Justice Marvic Leonen, at Associate Justices Benjamin Caguioa, Japar Dimaampao at Jose Midas Marquez.

Papalitan ng mapipiling bagong chief justice si Alexander Gesmundo, na magreretiro sa Nob. 6, 2026. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here