Home METRO P98M pamumuhunan, ihahatid sa komunidad ng katutubong magsasaka ng kape sa Bukidnon

P98M pamumuhunan, ihahatid sa komunidad ng katutubong magsasaka ng kape sa Bukidnon

3
0

MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Agriculture (DA) na makikinabang ang komunidad ng mga katutubong Bukidnon sa Daraghuyan Ancestral Domain sa Malaybalay City, tahanan ng mga magsasaka ng kape na kinilala sa mga kompetisyon sa bansa at rehiyon, sa kabuuang ₱97.91 milyong pamumuhunan para sa imprastraktura sa agrikultura, pagpapaunlad ng negosyo, at mga pasilidad sa tubig at irigasyon.

Isinasakatuparan ang mga proyektong ito sa ilalim ng Mindanao Inclusive Agriculture Development Project (MIADP), isang inisyatibang pinopondohan pangunahin ng World Bank at ipinapatupad ng Department of Agriculture (DA).

Layunin ng mga pamumuhunan na palakasin ang industriya ng kape sa komunidad ng mga katutubo sa pamamagitan ng mas maayos na mga farm-to-market road, pasilidad pagkatapos ng anihan, pagproseso ng kape, at mas malawak na akses sa mga serbisyong pang-agrikultura.

Sa pakikipagtulungan ng Pamahalaang Lungsod ng Malaybalay, kabilang sa mga proyektong nakalaan para sa Daraghuyan Ancestral Domain ang dalawang farm-to-market road na nagkakahalaga ng ₱51 milyon; isang multi-commodity warehouse na may multipurpose drying pavement na nagkakahalaga ng ₱10.45 milyon; isang ₱14.76-milyong Coffee Consolidation, Processing and Marketing Enterprise; isang ₱4.1-milyong Level 2 Potable Water System; at isang ₱17.6-milyong ram pump at gravity-fed irrigation system.

“Layunin ng MIADP na mapataas nang sustenableng paraan ang produktibidad sa agrikultura, katatagan laban sa mga hamon at sakuna, at akses sa mga pamilihan at serbisyo. Ipinakita ng katutubong komunidad sa Daraghuyan ang malaking potensiyal nito sa industriya ng kape, gayundin ang buong-pusong pakikiisa upang maisakatuparan ang mga proyektong ito,” ani MIADP Project Director Macario Gonzaga.

Ang MIADP ay isang programang nagkakahalaga ng ₱6 bilyon na ipinatutupad ng DA, na pinopondohan pangunahin ng World Bank, kasama ang counterpart contributions ng Pambansang Pamahalaan at mga katuwang na lokal na pamahalaan.

Kaugnay nito nagpahayag din si Gonzaga ng pasasalamat sa suporta ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP), ng mga miyembro ng Regional Project Advisory Board, at ng mga katuwang na institusyon sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa pagsusulong ng implementasyon ng proyekto.

Kasalukuyan nang isinasagawa ang mga proyektong pang-imprastraktura sa Daraghuyan. Umabot na sa 65.63 porsiyento ang pisikal na accomplishment ng concreting ng dalawang-lane na Sitio Damitan–Sitio Ulanguhon Farm-to-Market Road.

Samantala ang ikalawang farm-to-market road na mag-uugnay sa Sitio Ulanguhon at Sitio Suopon sa Barangay Dalwangan ay dumaan na sa bidding, at kasalukuyang sinusuri ang mga dokumento kaugnay nito.

Kamakailan ding inilunsad ang dalawang pasilidad pagkatapos ng anihan—ang multi-commodity warehouse na may multipurpose drying pavement at ang coffee processing facility. Inaasahang matatapos ang mga ito sa loob ng walong buwan.

Inaasahang makatutulong ang mga pasilidad upang mapahusay ang paghawak, pagpapatuyo, pagsasama-sama, at pagproseso ng mga produktong agrikultural. Samantala, ang mas maayos na mga kalsada ay inaasahang magpapadali sa pagdadala ng ani mula sa mga sakahan patungo sa mga pamilihan. SANTI CELARIO

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here