Home NATIONWIDE Senador malayang magdesisyon sa alok bilang bise presidente – Cayetano

Senador malayang magdesisyon sa alok bilang bise presidente – Cayetano

3
0

MANILA, Philippines – Nilinaw ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano nitong Martes na nananatiling malaya ang kanyang mga kasamahan sa Senado na magdesisyon kung alukin man sila ng posisyon bilang vice president.

Inihayag ito ni Cayetano matapos punahin ni Sen. Panfilo Lacson ang panawagan ni Cayetano sa kanilang kasamahan na tanggihan ang anumang nominasyon na palitan si Vice President Sara Duterte sakaling mahatulan.

Sa isang social media post, sinabi ni Cayetano na nananatiling malaya ang lahat na magdesisyon at umaasa siyang isaalang-alang muna ang concern sa likod ng imbitasyon bago masaktan sa pagiging tinatanong.

Ang unang panawagan ni Cayetano ay nag-ugat sa pahayag ni impeachment court presiding officer Francis Chiz Escudero na tatanggihan niya ang vice presidency dahil kabilang siya sa mga senator-judges na boboto sa posibleng paghatol kay Duterte.

Ani Cayetano, maaari sanang nanahimik si Escudero at iniwang bukas ang posibilidad. Sa halip ay binigyan niya ang mga tao ng dahilan upang magtiwala na ang kanyang boto ay hindi maimpluwensyahan ng posibilidad na maging Bise Presidente.

Sa gitna ng labis na pagdududa sa pulitika, aniya ay mas kailangan natin ang ganitong pag-uugali.

Kung sakaling bumoto ang mga senator-judges na hatulan si Duterte, siya ay matatanggal sa pagka-bise presidente at maaaring mag-nominate si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng sinumang miyembro ng Kongreso upang pumalit sa kanyang puwesto.

Dahil dito, pinaalalahanan ni Cayetano na maaari pa ring tumanggi ang mga senador sa nominasyon.

Binigyang-diin niya na nananatili sa Pangulo ang kanyang constitutional authority na mag-nominate ng kapalit mula sa Senado o sa Kamara kung magkaroon ng bakante, na kailangang kumpirmahin ng parehong kapulungan.

Nananatiling malaya aniya ang isang senador na tumanggi. Maaaring gampanan ng Pangulo ang kanyang tungkulin habang sinusunod ng senador ang kanyang konsensya, nang hindi pinipigilan ng isa ang isa sa paggawa ng sa tingin nila ay tama.

Ikinatuwa naman ng senador na bukas na napag-uusapan kung ano ang mangyayari pagkatapos ng impeachment trial at sinabing hindi kailangang masaktan sa ganitong talakayan.

Ani Cayetano, natutuwa siyang bukas nilang napag-uusapan ang mga tanong na ito at pinahahalagahan niya ang mga naglalaan ng oras upang pag-isipan ito nang mahinahon at maingat. Aniya, utang nila iyon sa publiko kahit na hindi sila magkasundo.

Dagdag pa niya, ang pagiging offended sa isang tanong ay hindi sumasagot dito, at ang paggawa ng personal sa diskusyon ay hindi gaanong nakakatulong sa pag-unawa ng mga tao kung ano ang nakataya.  Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here