MANILA, Philippines – Iniulat ng Department of Health (DOH) ang 35 porsiyentong pagtaas ng mga kaso ng influenza-like illness (ILI) mula huling bahagi ng Setyembre hanggang unang bahagi ng Oktubre, kasunod ng karaniwang pagdami ng mga kaso tuwing tag-ulan.
Batay sa datos na inilabas nitong Miyerkules, Oktubre 28, umakyat sa 13,321 ang mga kaso mula Setyembre 24 hanggang Oktubre 7, kumpara sa 9,896 na naitala mula Setyembre 10 hanggang 23.
“The increase in cases has been consistent with the seasonal pattern since the rainy season started in MW22 (morbidity week 22),” ayon sa DOH.
Lumampas sa national alert threshold ang pinagsama-samang bilang ng mga kaso noong morbidity week 39, mula Setyembre 27 hanggang Oktubre 3. Dahil dito, pinaigting ang pagbabantay sa 15 probinsiya at highly urbanized cities sa pitong rehiyon.
Pinakamalaking porsiyento ng pagtaas ng kaso ang naitala sa Mimaropa, Western Visayas at Central Visayas.
Gayunman, sinabi ng DOH na nananatiling mas mababa sa isang porsiyento ang case fatality rate.
Mula Enero hanggang Oktubre 21, 2026, umabot sa 130,591 ang kabuuang kaso, na mas mababa ng 20 porsiyento kumpara sa 163,304 na naitala sa kaparehong panahon noong 2025.
Upang maiwasan ang pagkalat ng sakit, pinayuhan ng DOH ang publiko na maghugas nang maayos ng mga kamay, takpan ang bibig at ilong kapag umuubo o bumabahing, at magsuot ng mask kung may sintomas.
Hinikayat din ang mga kabilang sa vulnerable at high-risk groups na magpabakuna laban sa influenza upang mabawasan ang panganib ng malubhang sakit at komplikasyon. Pinayuhan naman ang mga may sintomas na magpakonsulta sa mga YAKAP clinic at health center. RNT/MDS