MANILA, Philippines – Itinuturing ng CrisisOps na mahalagang hamon ang paghahanda sa Super El Niño, partikular ang paggamit ng mga babala sa klima upang makapagsagawa agad ng angkop na aksyon ang mga lokal na pamahalaan at operator ng imprastruktura.
Sa ulat ng PAGASA noong Oktubre 7, naitala ang malakas hanggang napakalakas na kondisyon ng El Niño sa tropikal na Pasipiko. Posible itong umabot sa rurok bago matapos ang 2026 at magpatuloy hanggang sa unang kalahati ng 2027.
Sa Kapihan sa Manila Bay noong Oktubre 28, ibinahagi nina Jason Keith V. Boñaga ng CrisisOps at Propesor Chad Michael Briggs ng Asian Institute of Management ang mga pananaw tungkol sa paggamit ng teknolohiya, lokal na datos at mga ulat mula sa field upang mapahusay ang paghahanda sa sakuna at pamamahala ng panganib.
Ang CrisisOps ay isang kompanya ng teknolohiya na bumubuo ng Physical Artificial Intelligence (AI) para sa climate resilience. Pinag-uugnay nito ang datos ng klima, artificial intelligence at mga sensor sa field upang matulungan ang mga pamahalaan, utility company at operator ng imprastruktura na matukoy ang mga panganib, bigyang-priyoridad ang mga pangangailangan at i-coordinate ang pagtugon.
Layunin ng platform na matukoy kung aling mga komunidad at serbisyo ang higit na nangangailangan ng tulong, anong mga mapagkukunan ang dapat ihanda, at kung paano susubaybayan ang mga hakbang sa pagtugon.
Sa kasalukuyan, nakikipagtulungan ang CrisisOps sa 40 lokal na pamahalaan at dalawang pambansang ahensya ng gobyerno upang higit pang mapaunlad ang teknolohiya nito. Inaasahang maaari rin itong magamit sa pamamahala ng tubig, enerhiya at iba pang kritikal na imprastruktura.
Itinatag sa Delaware, United States, at may operasyon sa Pilipinas, pinalalawak din ng CrisisOps ang presensya nito sa Amerika sa pamamagitan ng Harvard Innovation Labs Climate Circle at NVIDIA Inception Program. Sinusuportahan ng mga programang ito ang pagbuo nito ng AI at edge-computing technology para sa climate resilience.
Kabilang sa mga sistemang inilunsad ng kumpanya ang CrisisOps Command, isang platform para sa koordinasyon ng operasyon, at Operational Intelligence Networks (OIN), na nag-uugnay ng impormasyon tungkol sa panganib, lokal na kondisyon at pangangailangan sa mga mapagkukunan upang makatulong sa paggawa ng mga desisyon.
Layunin ng mga sistemang ito na tulungan ang mga koponan na maunawaan ang sitwasyon, masuri ang posibleng epekto at matukoy kung saan dapat unahin ang aksyon.
Bumubuo rin ang CrisisOps ng CrisisOps Edge, isang prototype na hardware na idinisenyo upang magproseso ng impormasyon malapit sa lugar na minomonitor. Kabilang sa mga maaaring pagmulan ng datos ang mga instrumento sa panahon, panukat ng tubig, kamera at telemetry ng kagamitan. Sa pamamagitan ng Physical AI, pinag-uugnay ang impormasyong nakalap mula sa aktuwal na kondisyon sa field upang makatulong sa mas mabilis na pagsusuri at pagtugon. ERIC OCAPAN







