MANILA, Philippines – Nagsumite ng counter-affidavit si dating Senate Sergeant-at-Arms Mao Ranada Aplasca sa Department of Justice (DOJ) kaugnay ng kasong direct assault na isinampa laban sa kanya matapos ang insidente ng pamamaril sa Senado noong Mayo 13, 2026.
Dumating si Aplasca sa DOJ pasado alas-1 ng hapon para sa ikatlong pagdinig o preliminary investigation sa reklamong inihain ng PNP-CIDG. Hindi siya nagkomento nang tanungin kung nagsumite siya ng counter-affidavit at thumbs-up lamang ang kanyang ipinakita.
Kinumpirma ni Justice spokesperson Atty. Polo Martinez na nagsumite si Aplasca ng kanyang counter-affidavit sa araw na iyon.
Binigyan naman ang PNP-CIDG hanggang Nobyembre 6 upang magsumite ng sagot, ngunit nilinaw ni Martinez na opsyon lamang nito kung maghahain ng reply o hindi.
Pagkakataon din ang ibibigay sa mga respondent, kabilang si Aplasca, na magsumite ng rejoinder-affidavit bilang tugon sa anumang alegasyon sa sagot ng PNP-CIDG.
Ayon kay Martinez, kung hindi magsusumite ng reply-affidavit ang PNP-CIDG hanggang Nobyembre 13, ituturing na submitted for resolution ang reklamo matapos ang pinal na pagsusumite ng mga dokumento. Dito pagpapasyahan kung may sapat na batayan o prima facie evidence upang iakyat ang kaso sa korte. Jocelyn Tabangcura-Domenden