MANILA, Philppines – Bilang pakikiisa nito sa programang “Recyclable Mo, Palit Grocery Ko”, nakatanggap ang Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela ng 15 Mobile Material Recovery Facility (MMRF) trucks mula sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Pinangunahan nina Mayor Wes Gatchalian at MMDA Chairman Atty. Don Artes ang turnover ceremony bilang bahagi ng mga hakbang upang maisulong ang wastong pamamahala ng basura at pangangalaga sa kalikasan.
Sa ilalim ng Metro Manila Flood Management Project Phase 1, layunin ng programa na mabawasan ang basurang napupunta sa mga landfill at daluyan ng tubig sa pamamagitan ng pagpapalitan ng mga nakolekta at naihiwalay na recyclable materials kapalit ng mga pangunahing pangangailangan tulad ng bigas, de-lata, at instant noodles.
Sa pamamagitan ng MMRF trucks, hinihikayat ni Mayor Wes ang mga residente na makiisa sa wastong paghihiwalay at pagre-recycle ng basura upang mapanatili ang kalinisan ng komunidad, maiwasan ang pagbabara ng mga daluyan ng tubig, at makatulong sa pagbabawas ng panganib ng pagbaha. (Merly Duero)