MANILA, Philippines – Asahan ang mas mataas na dagdag-singil sa airfare matapos itaas ng Civil Aeronautics Board (CAB) sa Level 17 ang fuel surcharge para sa mga flight na sakop ng Nobyembre 1 hanggang 15, 2026.
Mula ito sa Level 16 na ipinatupad noong Oktubre 16 hanggang 31.
Sa ilalim ng Level 17, maaaring maningil ang mga airline ng fuel surcharge na P559 hanggang P1,635 para sa domestic flights, depende sa distansya ng biyahe.
Para naman sa international flights, maaaring umabot sa P1,846.10 hanggang P13,726.58 ang dagdag-singil.
Mas mataas ito kumpara sa Level 16 rates na P525 hanggang P1,535 para sa domestic flights at P1,733.76 hanggang P12,891.29 para sa international flights.
Ang fuel surcharge ay dagdag na bayarin bukod sa base fare na maaaring kolektahin ng mga airline upang makatulong sa epekto ng pagbabago sa presyo ng aviation fuel.
Ayon sa CAB, gumagamit ito ng 15-day fuel price monitoring at surcharge cycle upang maiayon ang singil sa galaw ng presyo ng fuel.
Kailangan naman ng mga airline na nais magpatupad ng fuel surcharge na magsumite ng aplikasyon sa Office of the Executive Director bago magsimula ang applicable effectivity period. Dave Medina