MANILA, Philippines – Maaaring suspendihin ang parehong face-to-face at home-based classes kapag umabot sa 42 degrees Celsius pataas ang heat index, ayon sa Department of Education (DepEd).
Gayunman, sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na kailangan munang makipag-ugnayan ng school officials sa concerned local government unit bago ipatupad ang suspension.
Ani Angara, mahalaga ang koordinasyon upang agad na malaman ng mga mayor o gobernador kung pauuwiin na ang mga estudyante.
Nakasaad ito sa DepEd Memorandum No. 64, s. 2026, na naglatag ng mga panuntunan para sa mga paaralan ngayong El Niño.
Sa ilalim ng guidelines, hindi na awtomatikong magkakaroon ng nationwide suspension dahil sa matinding init. Sa halip, gagamit ang mga school head ng localized assessment batay sa indoor classroom temperature at humidity na susukatin alas-8 ng umaga, alas-12 ng tanghali at alas-2 ng hapon.
Kapag mas mababa sa 27°C ang heat index, tuloy ang regular face-to-face classes.
Sa 27°C hanggang 32°C, maaaring paikliin ang onsite classes o gumamit ng hybrid learning.
Kapag nasa 33°C hanggang 41°C, suspendido ang physical classes at lilipat ang mga estudyante sa home-based activities.
Kapag umabot naman sa 42°C pataas, suspendido na rin ang home-based activities.
Ayon kay Angara, layunin ng bagong sistema na maging maagap ang mga paaralan sa pagharap sa heat stress, kakulangan sa tubig at iba pang health risks habang pinoprotektahan ang mga estudyante at school personnel. Santi Celario