MANILA, Philippines – Kabilang ang Pilipinas sa may pinakamababang paggastos sa research and development (R&D) sa Southeast Asia, ayon sa pagsusuri ng datos mula sa UNESCO Institute for Statistics.
Ayon kay Dr. Alicor Panao, associate professor sa University of the Philippines, 0.276% lamang ng gross domestic product (GDP) ng bansa ang ginastos para sa R&D noong 2020, batay sa pinakahuling available na datos para sa Pilipinas.
Mas mababa ito kumpara sa Singapore na gumastos ng 1.81% ng GDP noong 2022, Malaysia na 1.01%, Thailand na 0.94% noong 2023 at Vietnam na 0.41%.
Bahagya ring mas mataas sa Pilipinas ang Indonesia na may 0.281% noong 2020 at Brunei na may 0.278% noong 2018.
Samantala, mas mababa naman ang naitalang R&D spending ng Cambodia, Laos at Myanmar sa kani-kanilang pinakahuling available na datos.
Mas malaki ang agwat kapag ikinumpara ang Pilipinas sa mas advanced na ekonomiya sa Asya.
Umabot sa 2.58% ng GDP ang R&D spending ng China noong 2023, habang 3.44% naman sa Japan at 4.94% sa South Korea.
Ayon kay Panao, mahalaga ang research and development sa paglikha ng mga bagong teknolohiya, pagpapalakas ng lokal na industriya at pagsasanay ng mas maraming researchers.
Nakatutulong din aniya ang R&D sa pagbuo ng mas mahusay na gamot, agricultural technologies, manufacturing systems, digital technologies at disaster preparedness.
Giit niya, mahalaga ang mas malaking investment sa R&D para sa isang upper-middle-income economy tulad ng Pilipinas upang hindi lamang umasa sa mga teknolohiyang nililikha ng ibang bansa at makabuo rin ng sariling kaalaman, teknolohiya at industriya. RNT