DAVAO CITY – Wala pang naitatalang sighting kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa sa Davao region sa gitna ng patuloy na paghahanap sa kanya ng mga awtoridad, ayon sa Police Regional Office XI (PRO XI).
Sinabi ni PRO XI spokesperson Maj. Catherine Dela Rey na patuloy nilang minomonitor ang mga ulat hinggil sa posibleng presensya ni Dela Rosa sa rehiyon.
“So far, wala namang movement. Monitoring lang sa amin kung nandito ba si Sir Bato. So far, negative naman po,” ani Dela Rey.
May binuo nang task force ang Philippine National Police (PNP) para sa paghahanap kay Dela Rosa, na nahaharap sa arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC).
Naglaan din ang gobyerno ng P50 milyong reward para sa impormasyong hahantong sa kanyang pagkakaaresto.
Samantala, sinabi ni Maj. Ruben Gadut, spokesperson ng Philippine Army’s 10th Infantry Division, na handa ang militar na tumulong sa PNP kung kinakailangan.
Aniya, maaaring magbigay ang Armed Forces of the Philippines ng intelligence at logistics support, ngunit nananatiling PNP ang pangunahing ahensya sa law enforcement operation.
Nagbukas na rin ang PNP ng mga hotline para sa impormasyong may kaugnayan sa kinaroroonan ni Dela Rosa.
Nakatakdang matapos sa Biyernes ang isang linggong ultimatum na ibinigay sa senador para sumuko. Mary Anne Sapico