MANILA, Philippines – Isinusulong ni Senate President Sherwin “Win” Gatchalian ang dagdag na pondo para sa cyber defense capabilities ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa 2027 national budget.
Ayon kay Gatchalian, mahalagang patuloy na palakasin at gawing moderno ang AFP dahil sa mabilis na pagbabago ng geopolitical situation sa rehiyon at iba’t ibang bahagi ng mundo.
“Importante na maging handa at patuloy na mino-modernize at pinapalakas ang ating armed forces kasama ang kanilang kapasidad sa cyber warfare,” ani Gatchalian sa pagdinig ng Senado sa panukalang budget ng Department of National Defense at mga attached agencies nito.
Giit niya, hindi na lamang teoretikal na banta ang cyber warfare kundi bahagi na ng modernong defense strategy kaya kinakailangang magkaroon ang AFP ng sapat na pondo upang mapaunlad ang kakayahan nito laban sa cyber threats.
“Importante na tuloy-tuloy yung suporta at sustainable hanggang umabot sa kakayahan na gusto natin,” dagdag niya.
Bukod sa cyber defense, sinabi ni Gatchalian na kailangan ding dagdagan ang suporta para sa search and rescue capabilities ng AFP.
Aniya, hindi lamang depensa ng bansa ang tungkulin ng militar dahil mahalaga rin ang papel nito sa pagtugon sa mga bagyo at iba pang kalamidad.