Home METRO Miyembro ng ‘Luffy Group’ arestado sa Calamba

Miyembro ng ‘Luffy Group’ arestado sa Calamba

3
0

LAGUNA – Arestado sa Calamba City ang isang 26-anyos na Japanese national na umano’y miyembro ng tinaguriang “Luffy Group”, isang transnational crime syndicate.

Isinagawa ang operasyon ng Bureau of Immigration Fugitive Search Unit (BI-FSU), Philippine National Police at Japanese Embassy sa tirahan ng suspek sa Calamba.

Ayon sa BI-FSU, sangkot umano ang suspek sa modus na nakapambiktima ng mahigit P400 milyon sa Pilipinas.

Nagpapanggap umano ang mga miyembro ng grupo bilang pulis o bank officials at sinasabing may isinasagawang imbestigasyon.

Karaniwang target umano nila ang mga senior citizen na hinihingan ng ATM cards.

Ayon kay BI-FSU Chief Rendel Sy, nagpapadala umano ang grupo ng tauhan sa bahay ng biktima upang kunin ang ATM card at pagkatapos ay inuubos ang laman ng account.

Sinabi rin ng BI-FSU na marami na sa mga miyembro ng grupo ang nahuli at na-deport pabalik sa Japan, ngunit may ilan umanong nananatili sa Pilipinas at nagpapatuloy sa modus.

Kapag nakumpleto na ang kinakailangang clearance, ide-deport pabalik sa Japan ang suspek upang harapin ang kaso laban sa kanya.

Ang Luffy Group ay inuugnay sa theft, fraud at iba pang ilegal na aktibidad na umano’y kumita ng mahigit 1 bilyong yen habang nag-ooperate mula sa Pilipinas. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here