AYON sa Regional Drug Operation Unit ng Philippine National Police Region 4A o CALABARZON, ang lalawigan ng Cavite ang may pinakatalamak sa droga kumpara sa Laguna, Batangas, Rizal at Quezon.
Kung iisipin, mariing sampal ito sa magkapatid na sina Ombudsman Boying Remulla at Department of Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla.
Anong nangyari at ang balwarte pa ng kabilang sa mga pinakamakapangyarihang opisyal sa buong bansa, eh, pugad pala ng mga druglord, pusher at user ng droga?
Ngunit wala bang ibang mga larangan na roon may talamak na droga?
Halimbawa, sa hanay ng mga opisyal ng pamahalaan, lalo na sa itaas.
Kung may mga pag-aaral sa malaganap na droga sa ibaba gaya ng Cavite at CALABARZON, wala bang mga pag-aaral din kung sino-sinong matataas na opisyal ng pambansang gobyerno ang sangkot sa droga at gaano kalaganap ito?
Nagtatanong tayo, mga brad, dahil may mga palatandaan dito gaya ng nauugnay sa 1.7 toneladang shabu na nasakote sa Thailand at Laos na dapat umanong naibiyahe sana sa Manila.
Ginamit ang eroplano at barko sa sana’y pagdedeliber sa Pinas.
May mga isinasangkot na bigtime umanong mga opisyal o matataas na tao sa kasong ito.
May idinadawit nang mga personalidad at pinangalanan na nga sila ng gobyerno ngunit wala pa ni isa sa mga ito ang inaaresto.
Tila walang sigla ang gobyerno na habulin ang mga ito, gamit hindi lang ang pulisya, militar at Philippine Drug Enforcement Agency gaya ng ginagawa ng gobyerno ngayon laban kay Senador Bato dela Rosa.
O baka naman, may “something” talaga kaugnay ng matataas na opisyal kaya malata ang pagkilos ng gobyerno?
Noong panahon ni ex-President Digong Duterte, marami ang lumitaw na sangkot, kabilang na ang ilang police general, mayor, kongresman at iba pa.
Ngayon ba, walang ganito?






