Home OPINION PULIS RIDER SA VIRAL VIDEO NALINIS PANGALAN SA TULONG NG LCSP

PULIS RIDER SA VIRAL VIDEO NALINIS PANGALAN SA TULONG NG LCSP

1
0

MABILIS tayong maniwala at humusga kapag may kumalat na video sa social media. Isang eksena lamang ang makita, agad may kontrabida, may biktima, at may mga taong handang magparusa kahit hindi pa alam ang buong katotohanan.

Ito ang aral sa kasong kinasangkutan ng viral police rider na si PSSG Erwin Lagua, nakatalaga sa Quezon City Police District.

Ibinasura na ng Metropolitan Trial Court Branch 153 ng Pasig City ang kasong slight physical injuries laban kay Lagua matapos magsumite ng affidavit of desistance ang complainant na si Jhon Vincent Cayanes. Ayon sa huli, hindi pagkakaintindihan lamang ang pinagmulan ng demanda.

Matatandaang unang kumalat ang insidenteng umano’y pagtulak ng pulis sa complainant. Ngunit nang lumabas ang buong video, lumitaw na si Cayanes ang humabol sa pulis kahit umiiwas na ito. Ang ganitong detalye ay mahalaga sapagkat maaaring magbago ang pananaw ng publiko kapag hindi lamang piling bahagi ng pangyayari ang nakikita.

Lalong dapat suriin kung paano umabot sa kasong frustrated murder ang insidente bago ito ibinasura ng Pasig Prosecutor’s Office at nauwi sa kasong slight physical injuries. Hindi biro ang ganitong mabigat na paratang. Maaari nitong sirain ang reputasyon, karera, at buhay ng isang tao bago pa man mapatunayan ang tunay na nangyari.

Hindi nangangahulugang dapat awtomatikong kampihan ang pulis dahil lamang sa pagbasura ng kaso. Ang punto ay simple: walang sinomang dapat hatulan batay lamang sa putol na video, galit ng netizens, o unang salaysay ng isang panig. Ang hustisya ay nangangailangan ng ebidensya, patas na pagsusuri, at pagkakataong marinig ang magkabilang panig.

Nararapat ding kilalanin ang tulong ng LCSP (Lawyers for Commuters Safety and Protection, sa pangunguna ng founder nitong si Atty. Ariel Inton, na tumayong abogado ni Lagua. Mahalaga ang ligal na tulong upang matiyak na maipagtatanggol ng isang akusado ang kanyang mga karapatan.

Sa panahon ng social media, isang pindot lamang ang kailangan upang kumalat ang akusasyon, ngunit napakahirap bawiin ang nasirang pangalan.

Kaya nga sana ang publiko, bago humusga at alamin muna ang buong katotohanan. Sapagkat ang viral video ay hindi katumbas ng ‘valid’ na ebidensya, at ang ingay ng publiko ay hindi dapat maging kapalit ng hustisya.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here