Home NATIONWIDE “Tanim witness” pinabulaanan ng kampo ni VP Sara

“Tanim witness” pinabulaanan ng kampo ni VP Sara

5
0

MANILA, Philippines – Itinanggi ng kampo ni Vice President Sara Duterte nitong Biyernes ang alegasyon ng isang lalaking kinilala lamang sa alyas na “Chris” na dalawang beses umano siyang naghatid ng mga maleta na naglalaman ng pera para sa bise presidente.

Tinawag ni Duterte spokesperson Salvador Paolo Panelo Jr. na “another tanim witness” ang lalaki at sinabing sasagutin ni Duterte ang mga alegasyon sa pamamagitan ng ebidensiya sa tamang panahon.

“Another day, another tanim witness. They can keep manufacturing allegations, but they cannot fabricate the truth. As before, VP Sara will happily dismantle each allegation with evidence at the proper time,” ani Panelo.

Hinamon din niya ang mga organisasyon ng media na independiyenteng beripikahin ang mga alegasyon. Aniya, “being weaponized for the relentless, but ultimately ineffective, black propaganda against the vice president” ang Fourth Estate.

Lumabas ang pahayag isang araw matapos humarap sa National Bureau of Investigation (NBI) ang umano’y dating driver ni dating House Speaker Lord Allan Velasco at igiit na naghatid siya ng mga maleta ng pera kay Duterte sa Davao mula 2021 hanggang 2022, sa utos umano ni Velasco.

Ayon kay “Chris,” una siyang bumiyahe sa Davao noong Hunyo 16, 2021 sakay ng van na may dalang humigit-kumulang 15 maleta. Hindi umano niya alam kung magkano ang laman ng mga ito at hindi rin niya personal na nakita ang pera.

“Na-confirm ko po yun na para kay Ma’am Sara Duterte noong sa head namin, na sabi sa akin na ide-deliver namin yung munting regalo kay Sara Duterte,” aniya.

Gayunman, sinabi niyang hindi niya nasaksihan ang pagtanggap ni Duterte sa mga maleta. Ang ikalawa umanong paghahatid, na may dalang humigit-kumulang 15 maleta rin, ay naganap sa Davao noong 2022.

Si “Chris” ang ikalawang taong nag-angkin na naghatid siya ng mga maleta ng pera para kay Duterte.

Nauna rito, inangkin naman ni police officer Rodulfo Gracioso Jr. na naghatid siya ng mahigit P2 bilyon kay Sara Duterte, P1 bilyon sa kanyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte, at P100 milyon kay Davao City first district Rep. Paolo Duterte.

Itinanggi ng mga nadawit sa mga alegasyon ang mga paratang laban sa kanila. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here