Home METRO Manila North Cemetery ininspeksyon ni Yorme Isko; 4,400 bumisita na bago mag-Undas

Manila North Cemetery ininspeksyon ni Yorme Isko; 4,400 bumisita na bago mag-Undas

4
0

MANILA, Philippines – Unti-unti nang dumarami ang mga bumibisita sa Manila North Cemetery (MNC) upang dalawin ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay, dalawang araw bago ang Undas 2026.

Batay sa monitoring ng Manila Police District (MPD), nasa 4,400 na indibidwal ang nagtungo sa sementeryo nitong Oktubre 30.

Bumisita at nag-inspeksiyon din sa MNC si Manila Mayor Isko Moreno-Domagoso upang tiyakin ang kahandaan ng lungsod at muling ipaalala sa publiko ang mga patakaran sa sementeryo. Nagbabala rin siya laban sa mga “tolongges” na maaaring manamantala sa mga bibisita sa Manila North at South Cemetery.

Pinayuhan niya ang publiko na magsuot ng face mask, lalo na ang mga bata, buntis, senior citizen at may comorbidities, dahil sa pabago-bagong panahon at pagkalat ng mga sakit na tulad ng trangkaso. Hinikayat din niya ang mga tao na iwasang makipagsiksikan.

Kabilang sa mga sinuri ng alkalde ang columbarium at Online Assistance Desk na tumutulong sa mga may katanungan.

Ayon kay Moreno-Domagoso, 100 porsiyentong handa na ang MNC at pamahalaang lungsod para sa Undas 2026, katuwang ang iba’t ibang lokal at pambansang ahensya at ang MPD.

Dumating din si NCRPO Regional Director PMGen. Christopher Abrahano upang tiyakin ang kahandaan ng sementeryo sa inaasahang pagdagsa ng mga tao.

Sinabi ni Abrahano na matagal nang pinaghandaan ng pulisya ang Undas dahil taun-taon naman itong isinasagawa. Hindi lamang umano ang mga sementeryo ang binabantayan nila kundi pati ang mga lugar na dinaraanan ng mga bibisita at mga restaurant.

Umaasa siyang makapagtala ng “zero incident” ngayong Undas. Inatasan na rin umano ang mga pulis na tiyakin ang kaligtasan ng publiko.

Samantala, umaasa si Moreno-Domagoso na magiging mapayapa at maayos ang paggunita ng Undas 2026.

“Yung Undas 2026 to each and everyone, visit your loveones and pray for their souls,” mensahe ng alkalde sa mga bibisita sa mga sementeryo.

Ayon kay MNC Director Dan-Dan Tan, bukas ang sementeryo mula alas-5 ng umaga hanggang alas-8 ng gabi simula Oktubre 30 hanggang Nobyembre 2.

Mayroon ding 125 CCTV camera sa loob ng sementeryo, bukod pa sa mga nakatalagang pulis. Nagbabala si Tan laban sa mga lalabag sa patakaran at gagawa ng anumang masama sa panahon ng Undas. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here