MANILA, Philippines – Iniutos ng Office of the Ombudsman nitong Biyernes ang preventive suspension sa limang project engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kaugnay ng imbestigasyon sa tatlong flood control project sa Bulacan.
Kinilala ng Ombudsman ang mga sinuspindeng engineer na sina Irene Ontingco, Kevin Geronimo, John Michael Ramos, Bernardo Villafuerte at Michelle Cruz, na pawang kabilang sa DPWH Bulacan First District.
Walang sahod ang kanilang preventive suspension na tatagal nang hindi hihigit sa anim na buwan habang hinihintay ang resolusyon sa mga kasong administratibo laban sa kanila.
Nahaharap ang lima sa mga kasong grave misconduct, serious dishonesty at gross neglect of duty kaugnay ng tatlong flood control project na isinagawa noong 2024.
Kabilang sa mga proyekto ang pagtatayo ng reinforced concrete slope revetments sa Barangay Piel, San Roque at Sulivan sa Baliuag City, na may pinagsamang kontratang nagkakahalaga ng mahigit ₱188.89 milyon.
Ayon sa panel ng special investigators ng Ombudsman, umano’y pineke ng mga respondent ang mga dokumentong may kaugnayan sa implementasyon, inspeksiyon, pagtanggap, pagsingil at pagbabayad sa mga proyekto upang magmukhang nasunod ang mga kinakailangan sa kontrata at batas, at maipagkaloob ang pondo.
Natuklasan din umano ng mga imbestigador na minanipula ang mga dokumento upang mapadali ang paggawad ng mga kontrata sa isang joint venture sa kabila ng umano’y hindi pagsunod nito sa mga umiiral na batas at regulasyon.
Sinabi ng Ombudsman na may sapat na batayan upang paniwalaang sinusuportahan ng matibay na ebidensiya sa kasalukuyang yugto ng proseso ang mga alegasyon laban sa limang engineer.
Dagdag pa nito, maaaring maapektuhan ang nagpapatuloy na imbestigasyon kung mananatili sa kanilang puwesto ang mga ito dahil maaari pa silang magkaroon ng access o magtaglay ng iba pang ebidensiyang mahalaga sa kaso. RNT/MDS