MANILA, Philippines – Inaasahang aabot sa isang milyon ang mga dadalaw sa Manila South Cemetery sa kasagsagan ng Undas mula Oktubre 31 hanggang Nobyembre 1, 2026, ayon sa pamunuan ng sementeryo nitong Biyernes.
Sa kabila ng panandaliang pag-ulan, umabot sa 8,408 katao ang bumisita sa sementeryo nitong Biyernes, dalawang araw bago ang Araw ng mga Santo.
Nagsara ang Manila South Cemetery bandang alas-6 ng gabi nitong Biyernes. Mula Oktubre 31 hanggang Nobyembre 2, magbubukas naman ito araw-araw mula alas-5 ng umaga hanggang alas-9 ng gabi.
Pinaalalahanan ng pamunuan ang mga bisita na bawal ang magpalipas ng gabi sa loob ng sementeryo, magdala ng matutulis na bagay, alak, ilegal na droga, kagamitang nagdudulot ng ingay gaya ng speaker at gitara, mga madaling magliyab na substansya at alagang hayop.
May mga wheelchair sa pasukan para sa mga nangangailangan nito, habang nagbibigay naman ng libreng sakay ang mga umiikot na tauhan sa loob ng sementeryo.
Tinatayang isang milyon ang nakalibing sa Manila South Cemetery, kabilang sina dating Pangulong Elpidio Quirino at dating Manila Mayor Leon Guinto Sr.
Maaaring gamitin ng mga bisita ang online na “Puntod Finder” sa www.manilasouthcemetery.net upang madaling mahanap ang puntod ng kanilang mga mahal sa buhay.
Nagtalaga rin ng mga help desk sa loob ng sementeryo ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, kabilang ang Philippine National Police, Bureau of Fire Protection at Manila Health Department. RNT/MDS